BJ Pascual airs “full context” to aborted shoot with Denise Julia

Mabilis na bumuwelta ang celebrity photographer na si BJ Pascual laban sa naging sagot ng R&B singer na si Denise Julia tungkol sa hindi nila pagkakaunawaan.

Gabi ng Pasko, December 25, 2024, nang magpost sa X (dating Twitter) si BJ para magbigay ng reaksiyon sa pahayag ni Denise.

Kaugnay ito ng binitiwang salita ni BJ na ang singer ang “worst celebrity/model” na nakatrabaho niya sa kanyang buong career.

 

Laman ng post ni BJ ang mga screenshot ng pag-uusap ng manager niyang si Pearl Acuesta at manager ni Denise na si John Vincent Salcedo tungkol sa noo’y nakatakdang photo and video shoot ng dalawa.

Ani BJ, ipinagpapasalamat niya ang pag-reach out sa kanya ni Denise nang pumutok ang isyu tungkol sa mga nasabi niya tungkol sa singer.

Ngunit gustuhin man daw niyang manahimik na lang ay hindi niya magagawa dahil ilan sa mga naging pahayag ni Denise ay taliwas daw sa katotohanan.

Pahayag ni BJ: “I appreciate Denise’s recent efforts to address the situation and the conversation we had in the hopes of moving forward.

“However, some claims and portions of the images she shared on her IG stories do not reflect the full context of what transpired.

“To avoid further misunderstandings and ensure clarity, I am sharing screenshots of our team’s discussions to set the record straight.”

Ang binabanggit na screenshot ni BJ ay ang pag-uusap nina Pearl at John tungkol sa breakdown ng budget, cost sheet, at schedule ng gagawin dapat nilang shoot.

Saad ni BJ, “Our team made every effort to adjust the budget down to 371K for the one-day shoot, which was below industry standards.

“This was part of our effort to accommodate their budget and fit within their specific range, contrary to the original 1.2M amount that Denise shared in her IG story. A detail that was not fully addressed in her video.”

Iginiit din ni BJ na siya ay naninindigan sa nauna niyang pahayag nang mag-guest siya sa podcast na Bad Bitch Bible.

Aniya: “While I stand by what I shared in the podcast about the challenges the team and I faced during this situation, my intention in sharing the context is not to escalate the matter but to provide transparency and accountability.

“I deeply value professionalism, fairness, and the hard work of everyone in our industry, including my own team, who tirelessly dedicate themselves to their craft.”

BJ’S SCREENSHOT OF EXCHANGE ABOUT INITIAL MEETING

Unang screenshot na ibinahagi ni BJ ay may kinalaman sa aniya’y delay sa pag-reply ng kanyang team sa inquiry ng team ni Denise.

Dito makikita na una pa lang ay nagkaproblema na sina Pearl at John sa sineset-up nilang meeting, kung ito ba ay gagawin nila ng face-to-face o online.

Hanggang sa nagkasundo ang dalawang manager na gawin ang online meeting sa pagitan nina BJ at Denise noong June 10, 2024.

Paliwanag ni BJ, “passion project” para sa kanya ang dapat sana’y pagtatrabaho nila ni Denise.

Ang “approach” daw niya ay kadalasang “flexible” at base sa “mutual respect and trust” kapag tumatanggap ng kahawig na proyekto.

Katuwiran ni BJ, puno ang sched ng kanyang team pero in-accomodate at sinuportahan daw nila ang pakikipagtrabaho kay Denise.

BJ Pascual responds to Denise Julia's statement

NEGO ON THE BUDGET

Sumunod na nilinaw ni BJ ang tungkol sa budget ng shoot.

Hindi malinaw sa screenshot kung kailan ang petsa ng palitan ng mga mensahe, pero mahihinuhang ito iyong pag-uusap ng magkabilang kampo higit-kumulang isang araw bago ang scheduled shoot.

Ipinakita ni BJ ang screenshot kunsaan mababasang tumawad si John sa (manager ni Denise) sa costing ng kampo ni BJ.

Ang shoot package na iyon ay inclusive ng music video, album art, press photos, at album video trailer.

Ayon kay John, mula sa itinakdang PHP650,000 ay PHP800,000 na raw ang maximum budget na kayang ipaluwal ng kampo Denise.Ang oras noon ay 12: 58 P.M.

Makalipas ang higit apat ng oras, o noong 5:16 P.M., sinabi ni Pearl na pumayag si BJ at ibang suppliers na maibaba ang cost ng shoot.

Sa caption ng ibinahagi niyang screenshot, idiniin ni BJ na mula sa orihinal na PHP1.2 million ay naging PHP800, 000, na aniya’y sakto sa ceiling budget na ibinigay ng kampo ni Denise.

BJ Pascual responds to Denise Julia's statement
BJ Pascual responds to Denise Julia's statement

 

THE CANCELLATION

Sumunod na ipinunto ni BJ ay ang biglaang pagpapa-cancel ng team ni Denise sa shoot siyam na oras bago ang napagkasunduan nilang schedule.

Ipinakita ni BJ ang screenshot ng mensahe ni John (manager ni Denise) kay Pearl (manager ni BJ) higit dalawang oras matapos nilang magkasundo sa budget.

7:49 P.M. nang mag-message si John na “BRB” dahil nagkansela ang stylist ni Denise at tinitignan kung sino ang puwedeng kapalit. Humingo pa si John ng suggestions mula kay Pearl.

Pumayag si Pearl na maghanap ng contacts.

8:49 P.M. nang mag-message uli si John at nagpahiwatig na hindi ready ang team ni Denise para sa kinabukasang shoot dahil nagkansela ang glam team nito.

Sumagot si Pearl na nagse-set up na ang team ni BJ para sa shoot kinabukasan.

Dito na ininform ni Pearl si John na may karampatang cancellation fee para sa suppliers at venue sakaling di matuloy ang shoot.

Less than 24 hours na lang daw kasi bago ang schedule, at kasado na ang marami sa preparasyon para sana sa shoot.

Sinabi ni Pearl na full payment para sa studio, at fifty percent para sa “PD” o production designer.

Umalma rito si John.

Base sa pa rin sa screenshot, na may time stamp na 10:08 P.M. umalma si John at sinabing masyado raw malaki ang singil sa cancellation fee.

Sabay nagtanong si John kung puwedeng malipat sa end of the month ang music video shoot para raw matuloy pa rin ito.

Sinundan ito ni John ng mensaheng hindi raw nito maintindihan kung bakit naka-book na ang suppliers gayong hindi pa raw tapos ang negosasyon at wala pang napagkasunduang budget.

Kinontra ito ni Pearl.

Sa screenshot na may time stamp na 11:21 P.M., ipinaliwanag ni Pearl na sa pagkakaintindi niya ay nagkumpirma si John sa kanya na tuloy ang shoot.

Ayon pa kay Pearl, kahit na ongoing ang nego sa budget ay natural daw na umaandar ang pag-ayos sa booking ng supplier para sa kinabukasan nang shoot.

Sinabi rin ni Pearl na ngayon lang daw nito naengkuwentro ang nego na may confirmed date of shoot, pero ine-expect ng kliyente na walang fee sakaling mag-cancel “12 hours before the date.”

Kasunod din na ipinarating ni Pearl na nagdesisyon ang team ni BJ na tuluyan nang kanselahin ang shoot at ang huli na ang magbabayad ng cancellation fees “out of respect for the suppliers’ booking and time.”

Sa parte ni BJ, ipinunto niya na anim na oras na lamang bago ang scheduled call time para sa shoot kaya booked na ang lahat ng suppliers.

Kinumpirma niya na pumayag siyang siya na ang magbabayad sa cancellation fees bilang respeto sa oras at effort ng suppliers.

Taliwas daw sa pahayag ni Denise sa video nito, hindi budget kundi ang kawalan ng glam team ang idinahilan ng manager ni Denise kung bakit hindi matutuloy ang shoot.

Ang hindi raw maintindihan ni BJ, nakahanap ang kanyang team ng kapalit na hair stylist/makeup artista kaya hindi niya alam kung bakit nag-alangan pa rin ang kampo ni Denise noon.

BJ Pascual responds to Denise Julia's statement

 

BJ SHOWS ON THE SUPPOSED “CONFIRMED SHOOT DATE”

Sa parte ni BJ, ipinakita niya ang screenshot na may petsang July 31 kunsaan sinabi ni John na “August 14” ang available date para sa gagawing music video shoot.

Sumagot dito si Pearl na “Yes I liked it above” at “Lmk when you guys have the treatment and stuff.”

Para raw sa team ni BJ, ito ay kumpirmasyon mula sa kampo ni Denise na tuloy ang shoot.

Taliwas ito sa paliwanag ni Denise na noon lamang August 11 napag-alaman ng kanyang team mula sa kampo ni BJ na August 14 ang shoot schedule nila.

Dagdag ni BJ, may “personal exchange” sila ni Denise kunsaan alam ng huli ang tungkol sa sched ng shoot.

Pinaalala pa raw ni BJ kay Denise tungkol sa detalye sa glam at stylists na hiningi niya.

Nag-acknowledge pa raw sa kanya si Denise kaya sa pagkakaalam din daw ni BJ ay alam nito ang nangyayaring back and forth sa kani-kanilang managers.

BJ Pascual responds to Denise Julia's statement

BJ: “LET’S MOVE FORWARD FROM HERE WITH POSITIVITY AND GROWTH”

Sa huli, hiling ni BJ na sana ay nalinawan ang lahat sa isyu.

Kalakip ang pag-asa niya na maayos na lahat para sa gayon ay maka-move on na sila sa nangyari.

Saad niya: “I hope this brings clarity and closure to the matter, allowing us to move forward constructively while focusing on improving practices in the industry for the better.

“Also, I have already responded personally to Denise yesterday, acknowledging her message and expressing my openness to resolving this further in person.”

Dagdag pa niya, “I hope that sharing the full context, which is consistent with what I truthfully shared in the podcast, will help put this issue to rest.

“I sincerely apologize to the public for addressing this matter on Christmas Day, as I understand this is a time for celebration and family.

“Thank you for your understanding, and let’s move forward from here with positivity and growth.”

DENISE JULIA’S VERSION OF the STORY

Umaga ng Pasko, December 25, 2024, nang sunud-sunod na i-upload ni Denise sa kanyang Instagram Stories ng ilang screenshots at videos para ihayag ang kanyang panig matapos siyang akusahan ni BJ ng anito’y unprofessionalism.

Ito’y dahil sa pag-cancel umano ng singer sa kanilang scheduled photo and video shoot sa hindi malinaw na dahilan.

Saad ni BJ sa podcast na Bad Bitch Bible na naka-upload sa YouTube noong December 20, gumastos siya ng malaki dahil sa naturang canceled shoot kay Denise na tinawag niyang “worst celebrity/model.”

Sa katunayan, nalagpasan na umano nito ang naranasan niya noon kay Kristine Hermosa.

Sa pamamagitan ng recorded video, sinabi ni Denise na ang di nila pagkakasundo sa cost ng shoot ang totoong dahilan umano ng cancellation nito.

Kalakip ng ilang video ni Denise ang screenshots ng private messages ng kanyang manager na si John Vincent Salcedo kay ni Pearl Acuesta, manager ni BJ.

Sa screenshots, makikitang July 18, 2024 nagtakda ang kampo ni Denise ng budget na PHP600,000 para sa music video, at PHP50,000 for sa photoshoot.

August 11, more than three weeks later, nang sumagot si Pearl at sinabing August 14 ang scheduled shoot.

Nito raw nag-send si Pearl ng estimated cost na halos PHP1.2 million.

Halos doble ito sa budget nina Denise na PHP650,000 kaya’t nag-alangan umano ang kampo nila.

Pero ayon pa rin kay Denise, dahil tatlong araw na lang bago ang shoot ay sinubukan raw niyang ayusin ang gusot.

Bilang compromise, tinaas daw ng kampo ni Denise ang kanilang budget to PHP800,000.

Ngunit hindi pa rin nagkasundo ang teams nina Denise at BJ.

Sa isa pang screenshot na nai-post ni Denise, ipinakita nito na ang team ni BJ ang nag-cancel ng shoot, at hindi sila.

Bahagi ng mensahe ni John Vincent sa huling screenshot, “No vendors I work with would do anything without a budget actually agreed upon.

“No production company would even lift a finger until that’s set. Too much risks involved. I think that’s where the confusion is.”

Sinabi rin ni John, base pa rin sa screenshot na hindi niya inaasahang tumuloy na ang team nina BJ sa pagtatrabaho sa shoot kahit hindi pa sila nag-agree sa budget.

“I should’ve been more straightforward with how important it was that we agreed on a number before confirming anything.

“I thought that’s protocol for y’all as well so I apologize for me assuming that’s the case. I didn’t expect for work to be done/costs to be incurred without a final budget set,” sabi ni John Vincent.

Sagot naman ni Pearl, “Okay so due to the differences in our production processes, I think it would be best to cancel the shoot. Thank you.”

Tugma ito sa screenshots na pinakita ni BJ.

DENISE GIVES AN APOLOGY

Matapos ipaliwanag ang detalye ng cancelled na shoot ay humingi ng paumanhin si Denise kay BJ.

“I want to sincerely apologize for my shortcomings as an artist and for the unprofessionalism you’ve experienced,” sabi ni Denise.

Ipinaliwanag ng singer na hindi siya nakapag-reach out agad sa photographer matapos ang cancelled shoot dahil hindi naman niya alam ang buong kuwento ng pangyayari.

“I wasn’t fully aware of what was happening, communication-wise, between our teams.”

Saad pa ng 22-year-old singer, nag-send din siya agad ng mensahe kay BJ matapos niyang mapanood ang sinabi nito sa podcast.

Sa screenshots ng usapang ito ay ipinakita ni Denise ang replies ni BJ. Nagpasalamat pa umano ito sa pagme-message sa kanya.

“Thank you for reaching out and acknowledging the disrespect, financial loss, and inconvenience experienced by my team and everyone involved, who worked tirelessly in preparation for that day,” saad ni BJ.

Nagpasalamat din ito sa pagte-take ni Denise ng responsibilidad sa insidente.

“I appreciate your willingness to address this, and I’m open to discussing it further to work towards a solution that respects both sides,” sagot pa ni BJ.