Pokwang says new show brings her and Herlene much closer together

Happy si Pokwang dahil muli siyang bumalik sa paggawa ng teleserye.

Taong 2022 pa raw ang huling dalawang teleserye na ginawa niya sa GMA-7. Ito ay ang Mano Po Legacy: Her Big Boss at Lolong.

Sa pagbabalik-teleserye ng komedyante, bongga raw ang role niya sa Binibining Marikit sa GMA Afternoon Prime bilang ang Japayuki na si Mayumi na biological mother ni Ikit, played by Herlene Budol.

“Madalas kasi nanay ako, mahirap. Dito sa Binibining Marikit, nag-Japan pa kami. Amoy-mayaman naman ako dito, maiba lang!” sabi ni Pokwang sa media conference ng Binibining Marikit noong February 3, 2025, sa GMA Studio 6.

Dagdag pa niya: “Mga anak ko dito ay ang mga guwapo na sina Tony Labrusca at Kevin Dasom. Panoorin nyo kung paano ko sila naging mga anak.”

Pokwang na Pokwang nga raw ang pagkakasulat ng character niyang si Mayumi. Marami raw similarities sa buhay niya ang character, pero ang maiiba lang daw ay wala siyang ipapa-deport na lalaki.

“Wala na pong deportasyon na mangyayari,” pagbibiro pa ni Pokwang sa naging deportation issue niya sa dating American partner na si Lee O’Brian kung kanino meron siyang anak na si Malia.

“Yung mga pinagdaanan po namin ni Herlene, wala na po. Kabag na lang po yun, naibuga na po namin yun this time,” sey pa niya.

closeness now with herlene

Sa taping nga raw ng Binibining Marikit, mas lalo raw silang naging close ni Herlene. Hindi pa raw pala sapat na nagkakasama sila sa TiktoClock mula Lunes hanggang Biyernes.

“Akala ko, magsasawa na kami sa pagmumukha ng isa’t isa dahil magkasama na kami sa TiktoClock. Pero para na rin kaming tunay na mag-ina sa set ng Binibining Marikit.

“What you see is what you get. Yun siya, di mo siya pwedeng diktahan. Ang feeling ko sa batang ‘to, ‘di mo siya kailangang manduhan kasi kapag minanduhan mo siya, mawawala yung naturalesa niya.

“Hayaan mo lang siya. Sinasabi ko nga sa kanya, ‘Go with the flow. Kung ikaw yan, ikaw yan! Di mo kailangan mag-pretend.’ Mas maganda yung lumalabas talaga yung naturalesa niya.”

Mas naging open nga raw si Herlene sa pagsabi kay Pokwang ng mga nagiging personal na problema nito.

“Kamado na kasi namin ang isa’t isa. Kaya kilalang-kilala ko na itong si Herlene.

“Alam naman, pagdating sa pamilya, talagang tutok-putok ito. Minsan may mga problema yan sa kanila, sa nanay niya.

“Yung mga kinikita niya, binibigyan ko siya ng advice, yung mga pinaghihirapan niya… kasi di tayo laging nasa spotlight. So, dapat nag-iisip tayo ng fallback. Ipon lang nang ipon, anak.

“Nakikita ko kasi mga kabataan ngayon, marunong na silang maghawak ng perang kinikita nila. Kaya iyon ang lagi kong sinasabi sa kanya. Nakikinig naman si Bakla sa akin,” diin ni Pokwang.

mamang pokwang’s gourmet

Simula nga raw noong kumikita na sa showbiz si Pokwang, naging maingat ito sa kanyang mga kinikita kaya nakapundar ito agad ng sariling bahay at nakapagtayo ng sariling food business na Mamang Pokwang’s Gourmet.

Noong nakaraang October 2024, ni-relaunch ni Pokwang ang kanyang Mamang Pokwang’s Gourmet.

Mga mabenta na specialty niya ay ang vinegar, jarred tuyo, tinapa, aligue, alamang, laing, and gourmet chicken.

Matatagpuan at makaka-order ng Mamang Pokwang’s Gourmet via sa sarili nitong Facebook page.

Tinitiyak ni Pokwang na ang kanyang mga produkto ay “made fresh from Mamang’s kitchen with no preservatives.”

Ilan sa mga pinasalamatan ni Pokwang kung bakit na-inspire siyang ipagpatuloy at ma-improve pa ang kanyang business ay sina Vice Ganda, Karla Estrada, at Eugene Domingo.