Richard Gutierrez shrugs off “cheaters” label on Incognito cast

Imbes na magpaapekto, ipinagsasawalang-bahala na lang umano ni Richard Gutierrez ang mga naglipanang negatibong komento tungkol sa kinabibilangan niyang action series, ang Incognito.

Naglitawan kasi ang mungkahing mas bagay raw ang titulong “The Cheaters” sa nasabing Kapamilya teleserye matapos pumutok ang isyu nina Maris Racal at Anthony Jennings noong December 2024.

Sina Maris at Anthony ay kasama rin sa cast ng Incognito.

Maliban sa kanilang tatlo, tampok din dito sina Daniel PadillaIan VeneracionBaron Geisler, at Kaila Estrada.

incognito cast

RICHARD GUTIERREZ REACTS TO “CHEATERS” LABEL

Sa vlog sa YouTube ni Ogie Diaz nitong Huwebes, January 16, 2025, natanong kay Richard ang tungkol sa pagkakaroon ng iba’t ibang isyu ng mga kasama sa cast ng Incognito.

Tanong ni Ogie kay Richard, “Intriguing yung trailer niyo, bukod pa don, naintriga rin yung cast. Parang lahat yata may kinasadlakang isyu, kada isa.

“Noong nag-uusap-usap kayo noon, pinagtawanan niyo na lang ba na parang, ‘Ano ba yan, lahat tayo sangkot sa mga isyu, may kanya-kanya tayong isyu.'”

Natatawang sagot ni Richard: “Actually, natatawa talaga kami sa mga nagyayari kasi parang sunud-sunod. Tapos, para kada isa sa cast member may intriga.

“Pero wala e, tinatawanan lang talaga namin, siyempre nagbibigay yung iba ng advice, ng konting words of wisdom kung kaya.

“Pero para kasi sa amin, tuloy ang trabaho. Tuloy yung passion namin doon sa project and tuloy yung samahan namin.”

Bukod pa rito, naitanong din kay Richard kung napipikon ba siya sa mga komentong nagsama-sama raw silang mga “cheater” sa Incognito.

Aniya: “Alam mo, ayan talaga ang mahirap ngayon sa internet, maraming fake news.

“Yung ibang tao may masabi lang. Tulad yung binansagan kaming cheaters daw kami, e, hindi naman nila alam ang bawat kuwento na nangyari.

“[Baka] gusto lang nilang mag-trending.”

Hindi naman daw mapipigilan ni Richard ang mga ito.

Tanging hiling na lang daw niya ay maghinay-hinay ang netizens sa mga binibitawang salita sa social media.

Saad niya: “Naiintindihan ko naman na yung mga tao ngayon very active sa social media, pero sana siyempre ingatan din nila yung mga words nila, yung mga sinasabi nila.

“Pero ako, honestly, hindi ko na rin masyadong pinapansin o pinapaapekto sa akin yung mga ganoon.

“Kasi yung mga taong kilala ko — yung pamilya ko, yung kaibigan ko — alam naman talaga nila yung totoo, at alam din nila kung sino ako.”

MARIS-ANTHONY CHEATING ALLEGATION

December 2024 nang magsimulang makatanggap ng samu’t saring batikos ang cast ng Incognito.

Ito’y matapos masangkot sa cheating allegation ang magka-loveteam na sina Maris at Anthony.

Noong December 3, sumambulat sa social media ang nakakabulabog na Instagram posts ng ex-girlfriend ni Anthony na si Jamela Villanueva.

Si Maris ang itinuturong dahilan kung bakit nagwakas ang halos pitong taong relasyon nina Anthony at Jamela.

Pinararatangan din sina Maris at Anthony ng cheating o panloloko habang may kanya-kanya pa silang karelasyon.

Noong mga panahon kasing iyon ay nobyo ni Maris ang Rivermaya vocalist na si Rico Blanco, 51.

Pagkalipas ng tatlong araw, noong December 6, naglabas ng video ang ABS-CBN ng magkasunod na public apology nina Maris at Anthony.

Dito ay inako ng dalawa ang kanilang pagkakamali at humingi ng tawad sa mga taong nadamay at nasaktan.

RICHARD GUTIERREZ AND SARAH LAHBATI’S BREAKUP

Maliban kina Maris at Anthony, panloloko at pakikiapid din ang naiisyu sa hiwalayan ni Richard at estranged wife nitong si Sarah Lahbat.

Si Barbie Imperial ang itinuturong third party umano makaraang maispatang magkasama sina Richard at Barbie sa gitna noon ng kontrobersiyang hiwalay na ang aktor kay Sarah.

January 2024 nang unang namataang magkasama sa isang gastropub sina Richard at Barbie, pero naging tahimik ang dalawa tungkol sa napapabalitang pagkakamabutihan nila.

Pagkatapos nito ay naging sunud-sunod na ang sightings ng dalawa na magkasama — dito sa Pilipinas at maging sa South Korea at Italy.

Sa nasabing panayam ni Richard kay Ogie, napag-usapan nila ang tungkol sa tunay na estado ng relasyon ngayon ng aktor kay Barbie.

Pagtatapat ni Richard, “Siguro for now, like gaya nga ng sabi mo, nakikita naman ng mga tao.

“Doon muna tayo sa what you see is what you get sa amin ni Barbie.”

Kasunod nito ang paglilinaw niyang walang kinalaman si Barbie sa hiwalayan nila ni Sarah.

Saad ni Richard: “Ang gusto ko lang sigurong i-clarify doon sa mga tao is that si Barbie, walang kinalaman sa paghihiwalay namin ni Sarah.

“Hindi siya third party, hindi nag-overlap.

“Kasi maraming mga tao, yun nga, mga bashers na nagsasabi na siya ang dahilan.

“Wala siyang kinalaman.”

Dagdag pa niya, “Nakilala ko si Barbie, matagal na kaming nagkahiwalay ng landas ni Sarah.

“So, yun, gusto ko lang i-clarify.

“Siyempre kasi parang ang daming nagre-react sa kanya, ang daming mga nag-hate comment sa kanya.

“So siyempre, kailangan ko siyang protektahan. Kailangan ko rin i-clarify yun, di ba?”

Pagdating sa dati niyang relasyon, ibinunyag ni Richard na ongoing na ang annulment process nila ng kanyang estranged wife na si Sarah.

Aniya: “Siguro yung tungkol sa amin ni Sarah, ayoko na rin pag-usapan, yung mga nangyaring detalye.

“Kasi, we are actually going through an annulment now.

“And both parties naman want to move forward.

“Actually, at this point, nakapag-move forward na yung both parties.

“May equal time kami with our kids. So, parang nagko-co-parenting kami.

“And ang priority namin is to make sure that the kids, you know, live a good life, a happy life.

“And of course, kung happy siya sa buhay niya, at happy ako sa buhay ko, makikita ng mga bata yun.

“At ang importante sa amin ay yung mga bata.

“So, kung ano man yung dahilan, matagal na panahon na yun, nakapag-move on na kami pareho, 2025 na.

“Gusto kong magsimula yung taon nang maganda, peaceful, at happy.

“So, yun, let’s leave the past in the past.

“We’re all trying to move forward.”

DANIEL PADILLA-KATHRYN BERNARDO BREAKUP

Isa rin sa pinag-usapan nang husto ay ang hiwalayan nina Kathryn Bernardo at Daniel.

Katulad nina Richard, Maris, at Anthony—cheating din ang itinuturong sanhi kung bakit nagwakas ang labing-isang taon nilang relasyon.

Noong November 30, 2023, sa pamamagitan ng magkahiwalay na statement, kinumpirma nina Kathryn at Daniel na sila ay hiwalay na.

Nabaling kay Daniel ang sisi sa nangyaring hiwalayan dahil nagkaroon umano ito ng lihim na relasyon sa aktres na si Andrea Brillantes na naging mitsa para kay Kathryn na makipaghiwalay.

Bukod pa riyan ang pagdikit ng pangalan ni Daniel sa iba pang mga artistang babae, dahilan para isipin ng marami na makailang beses niyang pinagtaksilan si Kathryn.