Sen. Robin Padilla lobbies for legalization of medical marijuana

Isinusulong ni Senator Robin Padilla ang pag-legalize ng medical marijuana sa bansa.

Inakda niya ang Senator Bill No. 2573, o ang Cannabis Medicalization Act of the Philippines.

Katuwang ni Robin sa kanyang panukala ang sinasabing global cannabis experts na sina Dr. Shiksha Gallow at Wayne Gallow.

Anila, isa sa benepisyo ng medical cannabis ay para sa pain management ng cancer patients.

Nakapanayam si Robin sa forum at mediacon na may pamagat na “Science supports it, patients need it: Medical cannabis now.”

Ginanap ang event sa The Theater sa Solaire Resort sa Parañaque City, noong December 19, 2024.

Ayon kay Robin, nabigyan lang umano ng negatibong persepsyon ang cannabis dahil sa isyung diskriminasyon ilang dekada ang nakararaan.

“Alam niyo po, ang problema po kasi sa cannabis, sabihin na nating marijuana, kasi galing po dun sa marijuana yung pangalan, e.

“Alam naman po natin, ’50s, ’60s, ’70s, ’80s, medyo naging biktima ng pulitika din ang marijuana sa Amerika.

“So, parang nagkaroon ng kampanya doon against sa race ng mga tao, against the Hispanic, the Negroes, ganyan. In-identify sila kasama ng marijuana.”

Gusto ni Robin na matanggal ang aniya’y stereotype sa cannabis kasabay ng kaalaman ng tao tungkol sa racial discrimination.

“So, matagal na panahon iyon, e. Talaga namang ang discrimination, ang racial discrimination, kailan lang nakitang wala na, ano?

“Nabawasan nito lang naman pagpasok ng 21st century. Ngayon lang nakitang nawawala yung discrimination, so sabay din yung marijuana.

“Habang nawawala yung diskriminasyon doon sa mga progresibong bansa, yung mga developed countries, kasabay na rin yung mga research nila, mga evidence-based nila, scientific [data] patungkol sa marijuana.”

Sabi rin ni Robin, cannabis ang politically correct term, imbes na marijuana.

“So, sila din mismo tinanggal na nila yung pangalan ng marijuana, pinalitan na nila ng cannabis.

“Kasi marijuana itself, ang dating talaga is, ‘Wow, get high!’ Pangalan pa lang high ka na, e.

DIFFERENCE BETWEEN MEDICAL MARIJUANA & RECREATIONAL MARIJUANA

May pagkakaiba rin daw sa medical cannabis at recreational cannabis.

Paliwanag ng actor-politician: “Ganito ko siya ikinukuwento sa mga kapwa natin senador, I talk to them, evidence-based and scientific-based.

“That’s why I went to Israel, I went to Prague, I went to interview [resource people]. I want to see with my own eyes how they do it.

“The difference between the batch that makes you high and the batch that is medical, it’s really far!

“Kasi po yung recreational, kung saan-saan lang po talaga iyon tumutubo. Kahit ibato mo lang yung buto niyan, tutubo. Iyon po yung recreational.

“Pero makikita po natin yung difference ng medical cannabis, talagang pharmaceutical grade, talagang malinis.

“Talagang, kumbaga, inaalagaan po nila yung health talaga ng tao.

“So, ganoon ko po siya binebenta. Talagang dinidirekta ko na po ang mga taong-bayan na, ‘Alam niyo po, nahuhuli na po tayo. Huling-huli na po tayo. Kulelat na nga po tayo.'”

Keempee de Leon, emosyunal sa pagtatatagpo nila muli ni Joey de Leon | PEP Interviews

Nasasayangan daw si Robin sa medical advancement sakaling maging legal ang cannabis sa bansa.

“Hindi ko maintindihan bakit ang Pilipino, bakit gusto natin laging kulelat tayo? Nauuna tayo biglang…

“Ito ang sakit nating Pinoy, e, magaling talaga tayo. Nauuna tayo sa lahat ng bagay, pati sa Republika, una tayo sa Asia. Pero hindi tayo natututo sa pagkakamali natin.

“Iyong mga ibang bayan na nanonood sa atin, yung mga kapitbahay natin, ‘O, nauna na yung Pilipino, pag-aralan nga natin.’

“Sila natututo sa ating pagkakamali, pero tayo, hindi tayo natuto.

“So, ganun din sa marijuana, ganun din sa cannabis, andami nating dapat nang ginawa.”

ROBIN PADILLA ON USE OF “HEMP” IN OTHER COUNTRIES

May binanggit din si Robin na “hemp.”

Ayon sa webmd.com, ang hemp ay isang uri ng halamang galing sa pamilya ng cannabis.

“Alam niyo po ba yung hemp?” usisa ni Robin.

“Na iyan pong hemp na sinasabi nila, na ang Australia, ang Japan, nagtatanim na sila ng hemp!

“Tayo, bawal pa rin!

“Alam niyo po yung hemp, iyan po yung pinagkukunan ng CBD oil, na iyan po sa Japan, pag nagpunta po kayo, anlalaki ng five fingers.

“Pag nagpunta kayo sa Japan, kung saan-saan nga sa paligid sa Japan, kasi makakabili na sila ng CBD oil nang hindi ka hinuhuli.

“E, dito po sa Pilipinas, kulong ka! CBD oil lang.”

Ang tinutukoy niyang “CBD oil” ay cannabidiol na ayon sa healthline.com ay nagagamit umano para sa medical purposes, pero wala pa rin daw scientific evidence para rito.

Depensa pa rin ni Robin sa medical cannabis: “Iyon po yung mga ganung bagay na paatras tayo, mga kababayan ko.

“Simple lang naman po ang gagawin kong pagbenta sa inyo ng medical cannabis.

“Iyong atin pong gobyerno laging umaangal kapag gustong bumili ng armas, ‘Kulang ang budget namin. Kailangan naming bilhin ito, bilhin ito, lahat, lahat.’

“Basta pag galing sa ibang bansa, welcome sa atin—gamot, lahat.

“Pero bakit pagdating dito sa medical cannabis, masyado tayong kontra?

“Ano ba ang meron sa medical cannabis at hindi natin matanggap na ito ay gamot?

“Matagal na po itong gamot, hindi ito bago.”