Kabilang si Dolly de Leon sa mga sumuporta sa press preview ng dulang Anino sa Likod ng Buwan noong Pebrero 8, 2025, Sabado sa Arete, Ateneo de Manila University, Quezon City.
Supportive siya sa mga theater production.
“Ahh oo, siyempre. Siyempre. Bahay ko ito, e,” sambit ni Dolly.
Aktibo ngayon ang local theatre scene. Sunud-sunod o sabay-sabay ang mga pagtatanghal sa iba’t ibang entablado.
“Sana, tuluy-tuloy. Sana, tuluy-tuloy! Nakakatuwa. Kasi di ba, nung nangyari yung pandemic, ako, natakot ako for theater kasi,” pagsisiwalat ni Dolly.
“Na parang, ‘Babalik pa ba ito or what?’ So nung nakita kong ganito na ka-active saka andaming bagong theater groups na lumabas na magagaling, magaganda yung mga piyesa nila. So it’s very exciting times.
“Saka grabe yung support sa theater ngayon. Mas malakas kesa nung pre-pandemic.”
Ang matamlay, yung local movies. Mahihina na ang mga pelikulang Pinoy sa sinehan.
“Ahh oo. Kasi, ang problema kasi, nasa streaming na yung mga pelikula. Dun na nila ine-expect na lalabas, e,” sey ni Dolly.
WORKING WITH NICOLE KIDMAN
Napanood ni Dolly ang pelikulang Babygirl (2024) na tinampukan nina Nicole Kidman at Harris Dickinson.
“Kailangang panoorin ko lahat ng films, e,” saad ni Dolly, na member ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences (AMPAS) na responsible sa Oscars o Academy Awards.
“Yeah, I’ve seen it. Yeah, it’s very raunchy. Ang galing ni Harris. Mahusay naman talaga yun, e. Mahusay na artista.”
Nauna si Dolly kay Nicole na “matikman” si Harris.
Nagpuksaan sina Dolly at Harris sa satirical black comedy film na Triangle of Sadness (2022).
Natatawang sabi ni Dolly, “Marami nang nauna sa akin. Ha-ha-ha! Marami!”
Nagkatrabaho sina Nicole at Dolly sa second season ng drama series na Nine Perfect Strangers.
Kumustang katrabaho si Nicole?
“OK naman. OK naman! Masaya lalo na dahil ano, e… Ensemble piece siya. Marami kaming kasamang iba pang actors dun,” pahayag ni Dolly.
“So para kaming ano talaga dun — pamilya. Nagti-teamwork.
“Nakaeksena ko siya [Nicole], oo. OK naman. She’s very generous as an actor. Ahhmm she’s very in the moment.
“Tsaka nag-e-experiment siya after every take. Iniiba-iba niya yung ginagawa niya.”
Bago si Dolly, ang naunang Pinay actress na nakatrabaho ni Nicole ay si Ruby Ruiz sa miniseries na Expats (2024) na nag-streaming sa Amazon Prime Video.
BONDING WITH HENRY GOLDING
Nasa season 2 rin ng Nine Perfect Strangers sina Henry Golding, Lena Olin, Murray Bartlett, Annie Murphy, Christine Baranski, King Princess, Maisie Richardson-Sellers, at Mark Strong.
Mag-i-streaming ito sa Mayo 2025 sa Hulu. Sa Abril sila magpo-promote.
“Lalabas din siya sa Disney+. ‘Tapos hindi ko alam kung ipi-pick up din siya ng Prime. Baka kasi yung season one, nasa Prime, e. Pero Hulu talaga siya originally,” pagkaklaro ni Dolly.
Ang naka-bonding niya roon ay si Henry Golding na bidang lalaki sa pelikulang Crazy Rich Asians (2018).
Napangiti si Dolly, “Oo, yes, sobrang bait. Sobrang bait saka cool. Siguro dahil pareho kaming ano, may Asian blood. Kaya nakakonek kami talaga dun.”
Six months nag-shoot si Dolly para sa season two ng Nine Perfect Strangers.
“’Pag day off namin, lumalabas kami, ganun, para mag-unwind-unwind.”
May bagong international drama series na isu-shoot si Dolly. Kukunan iyon sa Vancouver, Canada.
“Hindi ko pa puwedeng sabihin kung ano dahil hindi pa nila ina-announce, e,” pagmumuwestra ni Dolly.
“Kaya ako lilipad… Sandali lang ito. Pabalik-balik, pabalik-balik.”
OSCARS VOTE
Nakaboto na si Dolly para sa 97th Academy Awards, na ang awading ceremony ay sa Marso 2, 2025, sa Dolby Theatre ng Hollywood, Los Angeles, California, USA.
“I can’t tell you who I voted for kasi I’m not allowed to do that,” wika ni Dolly.
Sa anu-anong kategorya siya bumoto?
“Sa acting branch, pati sa film branch. So pati yung… actually, lahat. Lahat, lahat nung… pero yung initial vote kasi, yung para makapasok, yung actors lang talaga ang puwedeng botohin,” lahad ni Dolly.
Humigit-kumulang 25 pelikula ang pinanood niya. Paano niya napanood ang mga iyon?
“Nasa website ng Academy yun. May access kami dun… Hundreds ang nandun, ha. Pero 25 lang ang kinaya ko.
“So napansin ko usually yung may buzz, yun ang pina-prioritize ko.”
Na-enjoy niya ang proseso?
“Enjoy pero siyempre nakakaano din, e. Parang, ahhmm… nakaka-stress,” pagtatapat ni Dolly.
“Kasi kailangan mo talagang panoorin, e. And then even if mahirap panoorin yung pelikula, kailangan mong tapusin. May mga ganun.”
RESPONSIBILITY AS A MEMBER OF AMPAS
Pinakamaraming nominasyon sa 97th Oscars ang Emilia Perez with 13. Tigsampung nominasyon naman ang Wicked at The Brutalist.
Tigwalong nominasyon ang Comclave at A Complete Unknown. Nakaanim ang Anora. Tiglima ang Dune: Part Two at The Substance.
Nakaapat ang Nosferatu. Tigtatatlo ang I’m Still Here, Sing Sing, at The Wild Robot. Tigdadalawa ang Flow, Nickel Boys, The Apprentice, at A Real Pain.
“Bago sila ma-nominate, nagbo-vote na kami. So lahat ng mga nominees ngayon, kami ang boboto nun,” ani Dolly.
“But not necessarily na binoto ko sila. Marami akong binoto na hindi necessarily nakapasok [sa listahan ng nominees].”
May choice ba na hindi na siya bumoto para sa nomination, o kailangan talaga?
“Puwede kang hindi bumoto kung ayaw mo. Pero responsibility mo as a member, e. So I make sure na bumoboto ako!” bulalas ni Dolly.