Sa kabila ng mainit na isyung kinasangkutan nina Maris Racal at Anthony Jennings, tuloy ang pagsasama nila sa upcoming action-drama series ng ABS-CBN, ang Incognito.
Ito ang follow-up project nila Maris at Anthony pagkatapos silang tangkilikin ng mga manonood bilang Snoop at Irene sa Can’t Buy Me Love. Dito binansagang SnoRene ang kanilang tambalan.
Kung sa Can’t Buy Me Love ay biglaan ang kanilang pagtatambal, dito sa Incognito ay sila ang magbibigay ng kilig sa mga manonood.
Kuwento nila sa press conference ng Incognito noong November 29, 2024 sa ABS-CBN Dolphy Theater, makikita pa rin ng viewers ang tatak ng SnoRene sa kanilang bagong characters.
Sabi ni Anthony, “Noong una, binasa muna namin yung script, tapos noong nakita ko na, ‘Okay, may glimpse pa rin ng pagka-SnoRene.’ Hindi naman sobra pero andun pa rin yung fun.
“So, parang sabi ko, makaka-work ko uli si Maris and alam ko naman na masarap ulit katrabaho si Maris.”
Ayon pa kay Anthony, nagtutulungan sila ni Maris para mas maging effective ang kanilang mga eksena.
Patuloy niya: “But yung mga eksena namin, talagang pumapatung-patong kasi ang dami naming naiisip talaga na puwede naming ibato, tapos sabayan mo ng ganito.
“So, parang laging nagbibigayan kami palagi sa isa’t isa, and happy ako na maka-work ulit si Maris.”
Ayon naman kay Maris, bukod sa masaya siyang makatrabahong muli si Anthony ay na-excite din siya dahil first time niyang gagawa ng action.
“Super happy ako na maka-work ulit si Anthony and noong nalaman namin na action yung gagawin namin, as in sobrang sobrang excited talaga kami.
“Well, ako on my end, may pressure kasi hindi pa talaga ako nakasabak ng action talaga ever. Siguro, yung action lang na nagawa ko, nadapa! Pero dito talaga, may intense training.
“Pero happy ako kasi yung mga scenes na nagawa namin [ni Anthony] so far, funny. Nakakaaliw ulit and kami na naman magbibigay ng happiness.”
Bukod kina Anthony at Maris, bida sa Incognito sina Richard Gutierrez at Daniel Padilla kasama sina Ian Veneracion, Kaila Estrada, at Baron Geisler.

Anthony Jennings apologizes to Maris Racal, Jamela Villanueva
MARIS RACAL ON DOING FIGHT SCENES
Tuwang-tuwa naman sina Maris at Anthony na mapasama sa Incognito, na sinasabing mag-aangat ng action genre sa Pilipinas.
Saad ni Maris tungkol dito, “Sobrang happy kami na naging part kami nito kasi gusto talaga nila mag-break ng boundaries. Marami silang gustong i-achieve.
“So, ang daming eksenang first time namin nagawa. Super ganda ng pagkagawa ng mga stunts, ng mga action scenes, costumes, everything, guns, super ganda ng lahat.
“Maganda rin ang story kasi somehow, nagmi-mirror siya of what’s really happening in the country, all over the world. Maraming issues na ire-resolve, mailalahad sa mga manonnood, sa mga nangyayari in real life. It’s actually packed but it’s also full of heart.”

Si Anthony naman, itinuturing na pinakamalaking proyekto niya ang Incognito sa ngayon.
Pagbabahagi niya: “Sobrang excited lang din ako simula noong training pa lang, parang nakikita ko na kung ano mangyayari sa show.
“Tapos nalaman ko pa yung cast na makakasama ko, mga barakong action stars talaga! So, parang, paano ako sasabay sa mga ito?
“Kailangan kong mag-training, magpalaki ng katawan, magpapa-abs ako… next year! Pag tapos na yunng show! Hahaha!
“Pero yun nga, sobrang different itong project na ito at excited lang ako na makapunta pa sa iba-ibang lugar.
“Excited ako sa mga training kasi ngayon naman, ongoing pa rin yung training namin. So, everyday learning pa rin siya and excited na ako na lumabas na yung show.”

Mag-uumpisang ipalabas ang Incognito sa January 17 sa Netflix, January 18 sa iWant TFC, at January 20 sa free TV. Ito ay sa direksyon ni Lester Pimentel Ong, at produced ng ABS-CBN Studios, Star Creatives at Netflix Philippines.
CONTROVERSY INVOLVING MARIS AND ANTHONY
Naganap ang press conference ng Incognito ilang araw bago pumutok ang isyu sa pagitan nila Maris, Anthony, at ng ex-girlfriend nitong si Jam Villanueva.
Si Maris ang itinuturong dahilan kung bakit nagwakas ang halos pitong taong relasyon nina Anthony at Jamela.
Pinararatangan din sina Maris at Anthony ng cheating habang may kanya-kanya pa silang karelasyon.
Sa video ng ABS-CBN YouTube Channel, humarap si Maris at nanindigang buong akala raw niya ay hiwalay na si Anthony sa non-showbiz girlfriend nang magkamabutihan silang dalawa.
Sa hiwalay na video ABS-CBN, humingi ng paumanhin si Anthony kina Maris at Jamela. Wala na siyang ibinigay na ibang detalye.