“It’s okay to stop.”
Ito ang mensaheng natanggap ni Gary Valenciano sa “God-given vision” ng aniya’y kanyang spiritual encounter sa Diyos noong 2008.
Ibinahagi niya ang kuwentong ito sa kanyang One More Time concert, na ginanap sa Araneta Coliseum, Biyernes ng gabi, December 20, 2024.
Ito raw ang dahilan kung bakit tinawag na One Last Time ang concert niya noong Mayo, na nitong Disyembre ay tinawag naman niyang One More Time, bilang bahagi pa rin ng celebration niya ng 40th year sa music industry.
Kuwento ni Gary, mayroon siyang two-night concert sa Araneta Coliseum noong November 14 and 15, 2008 para sa kanyang 25th anniversary.
May sakit daw siya noon at walang boses, kaya noong umaga ng November 15 ay nagpa-prayover siya sa misis na si Angeli.
Doon daw siya nakakuha ng “God-given vision” na aniya ay sumisimbolo sa mangyayari sa hinaharap.
“Well, friends, that vision is now,” nakangiting sabi ni Gary.
Sa vision na iyon, ramdam niya na kasama niyang naglalakad ang Panginoon papunta sa isang “empty horizon.”
Lahad ni Gary, “After walking with Him for a beat. I stopped in my tracks. I heard him say, ‘It’s okay Gary to stop and look back.'”
Lumingon daw si Gary at nakita niya ang kakatapos na concert noong November 14, 2008, pati na rin ang iba pa niyang nagdaang concert sa loob ng noo’y 25 years niya sa music industry.
Sa usapan nila ng Panginoon, waring ipinahiwatig daw kay Gary na may katapusan ang malakihan niyang concerts na kinasanayan.
Ang mensaheng nakuha ni Gary: “It may not be as grand Gary, but it will be fulfilling. Maybe even more fulfilling than the past. So, you wanna go?”
Sa puntong ito, sinabi ni Gary na siya ay nasa 40th year na ng kanyang karera sa music industry, at aminado siyang “nakakapagod din.”
Pero ipinaliwanag din niya na hindi ibig sabihin ay ihihinto na niya ang kanyang musical career.
Bagamat aminado siyang posibleng huling malakihang concert na niya ang One More Time, maaari pa rin naman daw siyang gumawa ng smaller scale concerts.
Idiniin niya na patuloy siya sa paggamit ng talentong ibinigay sa kanya ng Panginoon na siyang daan upang makapagbigay ng inspiration at healing sa ibang tao.
At patuloy din daw siyang magtitiwala sa Panginoon kung anuman ang plano nito para sa kanya.
“But there is a calling that is energizing me to go deeper into the spirit of uplifting and encouraging many more than ever before.
“For as long as this heart beats, that’s what I will do.”
Dagdag niya, “I’m gonna walk to that empty horizon with its challenges and its victories.
“With each taken, it would taken be with energy, with hope, by faith, and wholeheartedly trusting him, the source of all my pure energy.”
Pagkatapos ng mensahe niyang ito, kinanta ni Gary ang kanyang finale song na “Take Me Out Of The Dark.”
GARY VALENCIANO TELLS CROWD HE CAN’T FINISH THE CONCERT
Hindi natapos ni Gary ang concert dahil mayroon siyang sakit.
Ilang beses daw siyang nagsuka bago nagsimula ang concert at muntik nang hindi tumuntong ng stage.
Ito ang dahilan kung bakit bahagyang na-delay ang concert, at 9:15 P.M. na nang sumalang siya para sa kanyang opening number.
Noong simula ay hindi pa halatang may sakit siya dahil nakuha pa ni Gary na i-perform ang sunud-sunod na upbeat numbers, kabilang ang Christian songs na “Shout for Joy” at “That’s Why.”
Pero matapos ang medley of songs, huminto si Gary at umupo sa isang bahagi ng stage.
Pumasok ang isang staff mula sa isang emergency medical responder para tignan si Gary, na halatang nahahapo.
Dito na sinabi ni Gary na hindi mabuti ang kanyang pakiramdam at posibleng hindi niya matapos ang concert.
“Heartbreaking” daw para sa kanya na hindi ma-perform ang mga production numbers na hinanda niya, pero ayaw din daw niyang sagarin ang sariling lakas.
Nag-abiso siya sa audience na may mga pagkakataong uupo na lang siya habang kumakanta.
Nakasama pa niya ang P-pop group na BGYO sa isang production number.
GARY VALENCIANO PERFORMS FOR AN HOUR
Hanggang sa huli ay pinilit niyang mag-perform para sa fans, lalo na raw sa mga nanggaling pa ng ibang bansa para lamang mapanood siya.
Ani Gary, iniba na niya ang repertoire ng concert na kanyang sinulat at piniling kantahin ang mga kantang alam niyang titimo sa puso ng mga manonood.
Kabilang dito ang “Natutulog Ba Ang Diyos?” at “The Warrior is A Child.”
Malugod itong tinanggap ng audience na sumigaw na naiintindihan nila ang sitwasyon ni Gary, at hindi isyu na tapusin na niya ang concert.
Natapos ang concert eksaktong 10:20 P.M.