Ibinunyag ni Vic Sotto na walang sinuman sa produksiyon ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma ni Darryl Yap ang nagpaabot ng mensahe sa kanya o kumuha ng kanyang panig.
“Wala. So, wala akong… walang kumonsulta, walang nagpaalam, so walang consent,” sabi ng beteranong TV host at comedian.
May sama ba siya ng loob sa mga artistang pumayag lumabas sa kontrobersiyal na pelikula?
Diretso niyang sagot, “Trabaho lang yun. No problem.”
Kabilang sa mga tampok na artista sa The Rapists of Pepsi Paloma ay ang mga premyadong sina Gina Alajar (bilang Charito Solis), Shamaine Buencamino (bilang ina ni Pep, Mon Confiado (bilang Dr. Rey de la Cruz), at Rosanna Roces (bilang Divina Valncia).
Ang dating child actress na si Rhed Bustamante ang gumaganap na Pepsi Paloma, ang dating bold star na nagpatiwakal sa edad na 18 noong Mayo 31, 1985.
Sa teaser ng pelikula na lumabas noong January 1, 2025, direktang nabanggit ang pangalan ni Vic Sotto.
VIC SOTTO’S REACTION TO MOVIE TEASER
Ano ang nararamdaman ni Vic nang malaman niyang binanggit ang pangalan niya sa teaser ng pelikula?
Aniya, “No comment ako diyan. Ako naman, I’m a very private person. Hindi ako yung kuda nang kuda.”
Paano niya nalamang may teaser na lumabas at nabanggit ang kanyang pangalan?
Tugon ni Vic, “Through my wife [Pauleen Luna]. Kasi ako naman ay hindi ako active sa social media.
“So mga kaibigan lang, basically, my wife Pauleen.”
Umaasa ba siyang makatanggap ng public apology mula sa kampo ni Darryl?
Ayon sa veteran TV host-comedian, “Sa ngayon, ginawa lang natin ang nararapat, kung ano yung nararamdaman ko.
“Eto na po yun. Nakalagay na po, nasulat na po sa papel, napirmahan ko na.
“Nakapag-oathtaking na ako sa fiscal, kung ano man ang mangyayari sa susunod, yun po ang aabangan natin.”
Ang tinutukoy ni Vic ay ang paghahain niya ng 19 counts ng reklamong cyber libel laban kay Darryl sa Muntinlupa Regional Trial Court ngayong Huwebes ng umaga, January 9, 2025.
May mensahe ba siya sa pamilya ni Pepsi Paloma?
“Wala muna. No comment tayo,” sabi ni Vic.
Sa kanyang pamilya?
“Sa family ko, salamat. Araw-araw ko naman silang nakakausap.
“Thank you sa support at huwag silang mag-alala, kayang-kaya ko tong laban na to,” paniniyak niya.
VIC SOTTO’S LEGAL COUNSEL EXPLAINS 19 COUNTS OF CYBER LIBEL
Sa hiwalay na panayam, ipinaliwanag ng legal counsel ni Vic Sotto na si Atty. Buko dela Cruz ang tungkol sa reklamong inihain nila laban kay Darryl Yap.
Aniya, “Nineteen counts po na nagpahayag o nag-post ng mapanirang imputation ang respondent kaya 19 counts.
“Bawat post na mapanira ay one count.”
Sinu-sino pa ang mga inireklamo nila?
Sagot ni Atty. Dela Cruz, “Dito po sa criminal case, ang finile-an lang po natin ay si Mr. Darryl Yap.
“Ang case po natin ay cyber libel, anyone who caused the publication.
“So, siya ang sinasabi namin nag-cause ng publication ng malicious and defamatory statements.”
Sa mga nag-share at nag-repost naman daw ay may hiwalay silang petisyon na nauna na nilang inihain sa korte.
Nang malapit nang matapos ang panayam ng media kay Atty. dela Cruz, bumaba ang order ng korte na pumabor sa writ of habeas data na inihain nila.
Layon nitong matigil ang pagpapalaganap ng promotional materials tungkol sa The Rapists of Pepsi Paloma.
May kasama ba itong financial damages ang inihain nilang reklamo?
Sagot ni Atty. Dela Cruz, “Yes, sa ilalim ng Cybercrime Act, pupuwede humingi ng danyos ang nagreklamo ng kasong kriminal.
“Kaya kasama sa hinihingi ay ang moral damages, PHP20 million.”
Bukod pa rito ang PHP15 million exemplary damages kaya aabot sa PHP35 million ang danyos na hinihingi ng kampo ni Vic