Mula sa dalawa, ngayo’y limang katao na ang iniimbestigahan ng pulisya sa biglaang pagkamatay ng former One Direction member na si Liam Payne.
Noong October 16, 2024, pumanaw si Liam matapos na mahulog mula sa balkonahe ng kanyang hotel room na nasa ikatlong palapag ng CasaSur Hotel sa Palermo, Buenos Aires, Argentina.
Siya ay 31.

Sa patuloy na imbestigasyon ng awtoridad, limang katao na ngayon ang kanilang iniimbestigahan na maaaring may kinalaman sa pagpanaw ng sikat na singer.
Kabilang sa limang ito ang hotel manager ng CasaSur na si Gilda Martin, chief receptionist na si Esteban Grassi, at hotel employee na si Ezequeil Pereyra.
Karagdagan sina Gilda, Esteban, at Ezequeil sa dalawa nang naunang suspek na tinukoy ng pulisya.
Ito’y ang hotel waiter na si Braian Paiz, at isa pang malapit na kaibigan ni Liam na binigyan nila ng initial na si RLN.
LIAM PAYNE’S CAUSE OF DEATH
Base sa hukom na humahawak ngayon sa kaso ni Liam na si Judge Laura Bruniard, may kani-kanyang involvement ang limang suspek sa pagkamatay ni Liam.
Bagama’t hindi sinasadya at aksidente ang nangyari kay Liam, napag-alaman namang nasa impluwensiya ng droga at alak ang dating One Direction member nang mangyari ang trahedya.
Bagay na nagtutugma sa isinagawang autopsy sa kanyang katawan.
Sa inilabas na preliminary autopsy sa bangkay ni Liam, napag-alamang nagkaroon siya ng multiple injuries, internal at external bleeding na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sinabi rin ng forensics expert na walang pinsala ang braso at mga kamay ni Liam.
Pahiwatig itong hindi iniunat ng singer ang kanyang mga braso bilang proteksiyon sa sarili nang bumagsak ito sa inner patio ng hotel.
Sa isinagawa namang partial toxicology report, makikita ang multiple drugs sa loob ng katawan ni Liam noong mga oras na pumanaw ito.
Natukoy na pink cocaine, na naglalaman ng “methamphetamine, ketamine, and MDMA,” ang in-injest ni Liam.
THE INVESTIGATION OF THE FIVE PERSONs-OF-INTEREST
Ayon kay Bruniard, ang waiter na si Braian ang ang nagbenta sa singer ng cocaine noong October 14, 2024.
Sinundan ito ng hotel employee na si Ezequeil nang bentahan nito ng parehong cocaine si Liam noong October 15 at 16.
Habang ang suspek naman na kaibigan ni Liam na si RLN, ang siyang nag-abandona sa singer kahit na alam niyang high na si Liam sa droga noong gabi ng pagkamatay nito.
Dawit din ang hotel manager na si Gilda na isinawalang-bahala raw ang mga banta na noon ni Liam sa sarili, ilang oras bago ito mahulog sa balkonahe ng hotel.
Maging ang hotel chief receptionist na si Esteban ay damay rin nang makita raw ito sa CCTV na nagpatulong sa tatlong kalalakihan para palabasin si Liam nang magwala na ito sa lobby ng hotel.
Bagama’t walang kinalaman sa droga ang manager at receptionist, may malaking epekto raw ang kanilang mga inasal sa noo’y unstable at vulnerable state ni Liam.
Pahayag ng Public Prosecutor’s Office, “The defendant failed to fulfill his duties of care, assistance, and aid.
“Leaving Liam to his fate, knowing that he was incapable of taking care of himself, knowing that the accused suffered from multiple addictions.”
Kung saka-sakaling mahatulang guilty sina Gilda, Esteban, at RLN ay maaari raw silang makulong ng isa hanggang limang taon.
Habang ang dalawa namang nag-supply kay Liam ng cocaine na sina Braian at Ezequeil ay maaaring makulong hanggang labinlimang taon.