Sampaguita vendor sa viral video, 22 anyos na at MedTech student

Magkaiba ang pahayag ng Mandaluyong City Police at ng mga magulang ng sampaguita vendor sa viral video na marahas na pinaalis ng security guard sa lugar na nasasakupan ng SM Megamall sa EDSA, Mandaluyong City.

Sa panayam ng mga news reporter kahapon, Enero 17, 2025, sinabi ni Mandaluyong City police chief Col. Mary Grace Madayag na totoong estudyante ang babaeng sampaguita vendor, pero hindi na ito mendor de edad.

Eighteen years old na raw ito at nag-aaral sa isang pribadong institusyon.

“Yung bata po ay totoo pong estudyante. In fact nga po, siya po ay scholar ng isang institution.

“Matalinong bata at nagsusumikap lamang siya na madagdagan yung mga pangangailangan niya sa kanilang eskuwela dahil po kade-demolish lang daw po ng bahay nila.

“At yun po ay pinatunayan din ng barangay, kung saan po nakausap din po namin yung barangay, kung saan sila nakatira,” pahayag ni Madayag sa mga reporter.

SAMPAGUITA VENDOR IS ALREADY 22 YEARS OLD

Pero ayon sa magulang ng sampaguita vendor, 22 years old na ang kanilang anak at isang Medical Technology student.

Binigyan ng alias na Marie ang sampaguita vendor.

Sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras ng GMA-7 kagabi, Enero 17, sinabi ng mga magulang ni alias Marie na Disyembre 17, 2024 pa nang mangyari ang insidente ng pagpapaalis ng security guard sa kanilang anak.

Pero noong Huwebes, Enero 16, 2025, lamang nag-viral ang lumang video.

Inilahad ng ina ni alias Marie na nasaktan siya sa ginawa ng security guard sa kanyang anak, pero hindi sila magsasampa ng reklamo.

“Hindi na kami mag-ano ng kaso kasi malay mo, may pamilya siya na nag-aaral. Naaawa rin ako dahil parehas din kami na kumakain,” sabi ng ina ni alias Marie.

Inamin naman ng ama ng sampaguita vendor na palaban ang kanilang anak.

“Alam niyo naman yung anak ko na yan, medyo pag alam niya na tama siya, talagang ipaglalaban niya ang sarili niya,” saad nito.

 

student and security guard sm megamall

COLLEGE STUDENT IN A HIGH SCHOOL UNIFORM

Dahil sa viral video ng sampaguita vendor at ng security guard, nagbigay ang DSWD ng PHP20,000 bilang tulong sa pamilya ni alias Marie na gagamitin umano sa pambayad ng matrikula.

College student na si Marie at 22 years old na siya, pero high school uniform ang kanyang suot sa viral video.

May paliwanag si DSWD assistant secretary Irene Dumlao tungkol sa pananamit ng sampaguita vendor.

“Dahil nga mahirap ho sila, kung ano po ang available na uniform ay yun po ang ginagamit nila,” katuwiran ni Dumlao.

Pero tila mahirap itong tanggapin dahil malinaw na misrepresentation ng school ang ginawa ni alias Marie, na college student na pala pero nagpanggap na high school student.

Sa kabila ng binitiwang salita ng ina ni alias Marie na hindi nila sasampahan ng kaso ang security guard, sinabi ni PNP Civil Security Group spokesperson Lt. Col. Eudisan Gultiano na hindi pa rin ligtas ang security guard sa kasong administratibo.

“Bibigyan po natin sila next week ng specific date na mag-appear sa ating opisina.

“Sakaling hindi siya lumutang, pati ang agency, mag-i-initiate na po tayo ng formal filing of administrative complaint,” deklarasyon ni Gultiano tungkol sa security guard na tinanggal sa trabaho ng SM Supermalls management dahil sa marahas na pagpapaalis niya sa sampaguita vendor.

Mali ang inasal ng security guard, pero importanteng marinig ang kanyang panig para malaman ang kabuuan ng kuwento.

Para mawala na rin ang mga haka-hakang deceitful o manloloko rin ang “estudyante” na gumamit ng high school uniform, at ibang edad ang sinabi sa Mandaluyong Police na nag-imbestiga sa kaso.