Sampaguita vendor in viral video apologizes to security guard

Humingi ng paumanhin ang trending 22-year-old sampaguita vendor sa security guard na natanggal mula sa paglilingkod sa isang malaking mall.

Pero nangangamba rin siyang baka balikan ng security guard na nawalan ng trabaho dahil sa insidenteng nangyari sa labas ng isang mall sa Mandaluyong City, noong Disyembre 17, 2024.

Sa video na inilabas ng ABS-CBN News sa kanilang official Facebook ngayong Linggo ng umaga, Enero 19, 2025, inilahad ng sampaguita vendor ang kanyang panig sa insidente.

Sa video ng ABS-CBN ay hindi ipinakita ang mukha ng sampaguita vendor na nakaupo sa silya habang iniinterbyu. Ang tanging makikita ay ang gitnang bahagi ng kanyang katawan, mula tiyan hanggang tuhod.

Makikita ring may hawak siyang cellphone at may suot na relos na kulay pink.

sampaguita vendor
Photo/s: ABS-CBN News Facebook

Dito ay sinabi ng sampaguita vendor na hindi niya kagustuhang mawalan ng trabaho ang security guard, na gumamit ng karahasan para mapaalis siya dahil sa kanyang pagtitinda sa lugar na nasasakupan ng mall.

Nanindigan din ang sampaguita vendor na hindi niya minura o dinuraan ang security guard.

“Gusto kong humingi ng sorry sa kanya. Hindi ko po ginusto na matanggal siya sa trabaho.

“At SM po ang nag-decide at hindi po ako, at wala po akong kinalaman,” deklarasyon ng sampaguita vendor.

Sinabi rin ng sampaguita vendor na biktima siya dahil sa mga batikos sa kanya sa social media na epekto ng viral video ng engkuwentro nila ng security guard.

“Biktima lang din po ako ng pagpo-post sa social media kaya nagso-sorry ako sa kanya kung anuman ang nagawa ko sa kanya,” saad niya.

SAMPAGUITA VENDOR: “HINDI PO AKO NAMAMALIMOS”

Iginiit ng sampaguita vendor na walang katotohanan ang mga espekulasyong namamalimos siya at miyembro ng sindikato.

Lahad niya: “Hindi po ako namamalimos nung araw na po noon, December po noon.

“At yung karton na hawak ko po, may nakasulat po na ‘Namamasko po’ at hindi po ako namamalimos.

“Hawak ko lang po yon kasi siyempre December po, karamihan sa tao hindi naman po nabili ng sampaguita, hindi mabili yung sampaguita.

“So, gusto lang nilang bigyan ako ng konting handog na pamasko at hindi po yon limos po.

“Sila lang po yung naghuhulog doon. Sinasabi po nila, ‘Pamaskuhan na lang kita.’”

Giit pa niya, “Hindi po ako nanghihingi, hindi po nangangalabit noon.

“Kung namamalimos po, e, di sana mahaba yung statement sa karton. E, ang nakalagay lang po dun, e, ‘Namamasko po.’”

ON WHY SHE WAS WEARING A SCHOOL UNIFORM

Nagpaliwanag din ang sampaguita vendor tungkol sa pagsusuot niya ng high school uniform habang nagtitinda ng sampaguita.

Ito ay kahit Medical Technology student siya sa St. Jude College.

Iginiit ng sampaguita vendor na hindi siya nagpapanggap.

student and security guard sm megamall
Photo/s: screengrabbed from Facebook

“Yung uniform na yon, uniform ko po yon ng junior high [school]. Pugad Lawin po,” pagtukoy niya sa eskuwelahang pinasukan noon sa may Project 8, Quezon City.

“Uniform ko po nung junior high ako at isinuot ko po yon dahil isa lang po ang uniform ko sa St. Jude College.

“Yun po ang isinusuot ko kasi nga po nilalabhan ko nga po yung uniform ng St. Jude College po para maisuot ko po siya.

“Gaya ng sinabi ko, isa lang ang uniform ko kaya hinuhubad ko po yon at nilalabhan po.

“Nagsusuot po ako ng uniform kasi para maging disente sa harap ng tao. At hindi po pagpapanggap yon, totoo naman po akong nag-aaral.”

LESSONS FROM THE UNFORTUNATE INCIDENT

Ang habaan pa ang pasensiya at huwag masyadong magpumilit kung hindi naman pala talaga puwede ang mga aral na natutunan daw ng sampaguita vendor mula sa kanyang karanasan.

Pero nagbago na ang ihip ng hangin dahil sa kabila ng paghingi niya ng paumanhin sa security guard at katuwirang nagbebenta siya ng sampaguita bilang pangtustos umano sa kanyang pag-aaral, dumarami ang bilang ng mga nakikisimpatiya sa security guard na nawalan ng trabaho at nanganganib sampahan ng kasong administratibo.

Dahil daw rito kaya nababahala ang sampaguita vendor.

Aniya, “Gusto ko pong tahimik lang ang buhay ko, privacy lang po ang nais ko.

“Tapos yung mga personal information ko po, nali-leak po sa social media.

“Hindi ko po ginusto yon at wala po akong intensiyon na mangyari yon.”

Nangangamba rin daw ang sampaguita vendor na balikan siya ng security guard dahil sa galit nito sa kanya.

“Sa ngayon, halo-halo po yung kaba ko kasi nga po nasisante nga po siya [securtiy guard].

“Naisip ko rin po na dahil siguro po sa galit niya, baka balikan niya ako.

“Hindi naman po sa nag-o-overthink ako, pero may mga possible na ganoon po ang naiisip ko na baka isang araw, abangan niya po ako sa labas ng school namin or baka po nagtinda po ulit ako, abangan niya po ako.

“Base lang po yon sa konklusyon ko, base po sa nararamdaman ko. Natatakot lang po ako “ bahagi ng pahayag ng sampaguita vendor sa ABS-CBN News.

Sa kabilang banda, wala pang pahayag ang security guard na sinibak sa trabaho dahil sa insidente.