Hindi napigil ni Rufa Mae Quinto ang sariling maiyak nang makapagpiyansa matapos magpalipas ng gabi sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarters.
Natapos ni Rufa Mae ang pagpipiyansa ngayong Huwebes ng hapon, January 9, 2025.
Sa NBI headquarters siya natulog kagabi, January 8, dahil hindi natapos ang proseso ng pagpipiyansa niya sa Pasay Regional Trial Court.
PHP1.7 million ang binayaran ng aktres para sa pansamantala niyang kalayaan.
Ang Kapuso actress ay nahaharap sa 14 counts ng violation of Section 8 ng Securities Regulation Code kaugnay ng mga reklamong isinampa ng investors laban sa Dermacare, ang beauty clinic na pag-aari ni Chanda Atienza.
Si Rufa Mae ay kinuhang celebrity endorser ng nasabing clinic.
RUFA MAE GETS EMOTIONAL
Nang humarap siya sa media paglabas ng NBI HQ, nakuha pang magbiro ni Rufa Mae pero hindi rin niya napigilang umiyak.
Sa video ng ABS-CBN News, inusisa ng isang reporter si Rufa Mae kung ano ang masasabi niya sa mga nagsampa ng reklamo sa kanya.
Pahayag ni Rufa Mae, “Pasensiya na po kayo. Oo, you deserve an explanation kaya nga po ako bumalik, humarap… isa-isa.
“Pero sana, yun nga, binibigyan po ako ng karapatang mag-explain.
“At the same time, pati yung lawyer nila, yang mga bikitma din — at ako din po ay isang biktima, e — parang bibigyan ng chance na mag-explain, bibigyan ng chance na mai-defense o ma-share ko yung talagang side ko.
“So, thank you sa judge natin.”
Hirit na biro ng komedyante, “So, kaya uwi na ako… go, go, go home! Finally, makikita ko na ang kama ko.”
Ang una raw gagawin ni Rufa Mae kapag nakauwi ay pupuntahan ang kanyang anak at pagkatapos ay hihiga sa kama.
Tinanong si Rufa Mae kung ano ang mensahe niya sa kanyang mga tagasuporta.
Dito sa puntong ito ay naiyak ang aktres .
Sagot niya: “Nakakanerbiyos po lahat ng nangyari sa akin, nakakalungkot… pero naniniwala po ako na ang katotohanan ay magpi-prevail.
“And, uhmm… masaya lang po ako ngayon na nakakausap ko na kayo nang maayos, yung hindi yung parang, ‘Mamaya na. Sila na lang,’ ganun…
“Natutuwa ako for that kaya maraming salamat po.
“Pati sa mga nagmi-message sa akin, sa managers ko, sa lahat lahat po ng mga press, and pati na rin yung mga biktima, kahit hindi lang sa isyung ito.”
Nang pinansin kung bakit siya naiyak, paliwanag ni Rufa Mae, “Naiiyak ako kasi ang sarap maging malaya… di ba, [the] best things in life are free and to be heard…”
Binati rin si Rufa Mae dahil nagagawa pa niyang magpatawa sa kabila ng kanyang pinagdadaanan.
Katuwiran niya, “Kasi komedyante talaga ako, e. Kumbaga, parang ako po ay isang komedyante. Hindi po ako negosyante.
“Kaya kahit kelan, hindi po ako nagnenego-go-gosyo, kaya wala po akong negosyo, kinalaman sa mga ganun.”
Lahat ng mga reklamong isinampa laban kay Rufa Mae ay bailable.
Ayon sa ulat, bawat isa rito ay nagkakahalaga ng PHP126,000 piyansa at may total na PHP1.7 million
RUFA MAE IS ALSO A VICTIM, SAYS HER LAWYER
Nauna nang sinabi ng abogado ni Rufa Mae na si Atty. Mary Louise Reyes na inosente umano ang kanyang kliyente.
Ayon pa kay Atty. Reyes, biktima rin si Rufa Mae dahil hindi pa nababayaran ang aktres bilang endorser ng beauty clinic.
Nadawit si Rufa Mae sa kaso ng beauty clinic matapos magreklamo ang complainants na nag-invest sa beauty clinic at tinakbuhan ng may-ari.
Lumalabas ding hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang beauty clinic na magbenta ng securities.
Sa isa kasing negosyo, kinakailangan nito ng primary license mula sa SEC para lehitimong makapag-operate.
Ang secondary license naman ay kailangan para makapaghikayat ng iba na maging investor.
Nakasaad sa Securities Regulation Code (SRC) o Republic Act 8799, na dapat magrehistro sa SEC ang anumang negosyo o sinumang tao na tatanggap, magbebenta, o magpo-promote ng investment programs.