Pinay tourist in Taiwan survives after being hit by train

Nanganib ang buhay ng isang turistang Pilipina sa Taiwan matapos siyang mahagip ng rumaragasang tren.

Sa kabutihang palad ay nakaligtas siya sa tiyak na kapahamakan bagamat nagtamo siya ng maraming sugat.

Nangyari ang aksidente habang nagpapa-picture ang Pinay tourist sa kilalang tourist attraction sa Shifen Old Street sa Taipei, Taiwan.

Ang Shifen Old Street ang lugar kung saan ginaganap ang flying sky lanterns.

Itinaon ng Pinay tourist ang pagpapalitrato habang dumadaan ang tren at itinaas pa niya ang kanyang kamay.

Dahil sobrang lapit niya sa rumaragasang tren ay nahagip siya nito.

Ang eksenang ito ay nakunan sa CCTV at naging viral sa social media.

Sumailalim sa ilang operasyon ang Pinay tourist, pero out of danger na ito.

Dedesisyunan pa ang kanyang kapalaran dahil maaaring umabot sa isandaang libong piso ang multa niya dahil sa kasong trespassing sa railway ng tren.

THE VIRAL VIDEO

Sa kumalat na CCTV video, makikita na punung-puno ng mga tao sa isang bahagi ng Shifen Train Station.

Mapapansin ang paparating na yellow train at tumabi ang mga tao.

Subalit ang babaeng Pilipina ay nanatili sa platform edge at nag-pose para magpakuha ng picture.

Bigla nitong itinaas ang dalawang kamay.

Ang isa niyang braso ay tinamaan ng tumatakbong tren kaya siya na-out of balance, bumagsak sa platform, at tuluy-tuloy na nahulog sa riles.

Makapigil-hininga ang pangyayari.

Shifen train station

Buti na lamang at nakaligtas ang babae, pero nagtamo ng maraming sugat sa katawan.

Sa ulat ng 24 Oras nitong January 22, 2025, sinabing ang babae ay solo traveler at sumama sa isang travel tour sa Taiwan.

Sinabi rin na ang travel agency ang sumagot sa medical expenses ng turista.

pinay tourist out of danger; could be fined php100,000

Kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Taiwan ang babaeng turista na nagtamo ng spinal injury, ayon kay Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairperson Attorney Cheloy Garafil sa ulat ng Teleradyo Serbisyo, nitong January 23, 2025.

Lahad pa ni Garafil, “May mga surgery at saka mga medications pa rin siya na gagawin.

“Pero itong spine surgery kasi pinaka-major niya na ginawa, and ito yung last na ginawa sa kanya.

“And sabi naman sa amin, according to the report, she’s out of danger.”

Hindi na pinangalanan ang babaeng turista.

Pagdedetalye pa ni Garafil, “Mismong train station kasi ito so nasa tracks yung pagpapalipad ng lantern.

“Pero pag dumating yung tren, syempre lahat ng tao, tumatabi.

“Madalas itong lahat ng turista naman nagpapa-picture, e, na pag nandun yung tren.

“Pero malas lang talaga niya na pagdaan nung tren, nahagip siya, kasi medyo tinaas niya yung kamay, e.”

Idinagdag ng MECO chair na may safety protocols na ipinatutupad sa tourist destination, subalit nadala umano marahil ng excitement ang babae.

Dumating na raw ang asawa ng turista sa Taiwan para samahan ang kanyang misis na nangangailangan ng dalawang linggo para maka-recover.

Dagdag pa sa 24 Oras report, sinabi ng Taiwan Railway Police Bureau na maaaring pagmultahin ang babaeng turista ng 50,000 Taiwan dollars o PHP100,000 dahil sa ginawang pag-trespass nito sa riles sa ilalim ng tracks.

Ang sinapit ng Pinay tourist ay kapupulutan ng aral pagdating sa pamamasyal sa ibang lugar.

Importante ring sumunod sa safety protocols, lalo na kung nasa ibang lugar.

Sinong mag-aakalang sa kagustuhang makapagpakuha ng magandang larawan ay muntik nang maging mitsa ng buhay ng turista?

Minsan dahil sa pagnanais magkaroon ng perfect shot, nakakalimutang ma-enjoy to the fullest ang isang karanasan, tulad sa isang trip.

Sa kaso ng Pinay tourist, hindi niya isinaalang-alang ang sariling kaligtasan makakuha lamang ng magandang larawan.