Pumalag ang aktor na si John Estrada sa tsismis na nag-uugnay sa kanya sa aktres na si Barbie Imperial.
Nito mga nakaraang araw ay sumulpot online ang usap-usapan na, diumano, nagkakamabutihan sina John at si Barbie na parehong napapanood sa Kapamilya primetime series na FPJ’s Batang Quiapo.
Maugong din kasi ang espekulasyong nagkakalabuan si Barbie at ang rumored boyfriend nitong si Richard Gutierrez.
JOHN DENIES BEING COZY WITH BARBIE
Sa kanyang Instagram account ay diretsahang sinagot ni John ang malisyosong isyu.
Makikita sa post ng aktor ang screenshot na mula sa isang online post na patungkol sa ikinakalat na balita.
Sa larawan ay makikitang may larawan ng ina ni Richard na si Annabelle Rama, pictures na magkatabi si Barbie at Richard, at larawan ni John.
May nakalagay na “Fake News” sa screenshot para idiin na hindi totoo ang tsismis.
“Unang Una Hindi ko alam kung Sino o Saan nag simula ang Kalokohan na to, na naglilink sa amin ni barbie imperial,” hirit ni John.
Sinabi ni John na bagamat alam niyang kapwa artista si Barbie, hindi niya personal na kilala ang aktres.
Minsan niya lang din daw nakita si Barbie.
Ito ay noong Christmas special ng ABS-CBN, at hindi sigurado si John kung ito ay nung taong 2021 o 2022.
Kaugnay naman sa sinasabing closeness nila ni Barbie sa set ng Batang Quiapo, nilinaw ni John na hindi sila nagkita kahit isang beses sa shooting.
Magkaiba raw sila ng grupo, unit, at direktor.
Ito ay nangangahulugang hindi sila nagkakasabay sa mga eksenang kinukunan.
Sa huli ay nakiusap ang aktor sa media at sa online entertainment websites na huwag magpadalus-dalos sa mga ibinabahagi sa publiko, at alamin munang mabuti kung may katotohanan ang mga kuwentong inilalathala.
JOHN’S RECENT CONTROVERSY
Hindi na bago kay John ang maiugnay sa ibang babae.
Nito lamang nakaraang taon ay naging laman ng balita ang aktor matapos makita itong may kasamang babae sa bar.
Nabahiran ito ng kulay dahil alam ng publiko na may asawa si John sa katauhan ng Brazilian beauty queen na si Priscilla Meirelles, bagamat hindi rin kaila sa marami na may problema ang pagsasama ng dalawa.
Sa mensaheng ipinadala ni John sa PEP.ph, sinabi nitong hindi niya kailangan magpaliwanag sa publiko at malaya siyang makisalamuha kahit kanino.
“Honestly, I don’t owe anyone an explanation,” diretsang pahayag ni John.
“But once and for all, I’m going to say this, I have every right to befriend who I like to be friends with. Male or female.
“Like any normal human being. The only difference is I’m a public figure.”