Hindi napigilang maging emosyunal ni Jennylyn Mercado nang muli siyang mag-renew ng exclusive contract sa kanyang home network, ang GMA-7.
Matapos ang ilang buwang espekulasyon, naganap na sa wakas ang pinakahihintay na contract signing ni Jennylyn sa GMA Network ngayon Martes, January 21, 2025.
Present sa contract signing ang top executives ng GMA Network bilang pagpapakita ng kanilang buong suporta sa homegrown Kapuso actress.
Naroon sina GMA Network president and chief executive officer Gilberto R. Duavit Jr., executive vice-president and chief financial officer Felipe S. Yalong, senior vice-president for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, at Aguila Entertainment chief executive officer Katrina Aguila.
Noong June 2024, naglabasan ang haka-hakang lilipat umano si Jennylyn sa ABS-CBN matapos mapansin ng kanyang fans na wala siya sa inilabas na station ID ng GMA-7.
Si Jennylyn ay kilalang homegrown talent at isa sa itinuturing na big stars ng Kapuso network kaya hindi maiwasang magtaka ang netizens kung bakit wala siya sa station ID.
JENNYLYN MERCADO says she never left GMA
Matapos pumirma ng kontrata, ipinaliwanag ni Jennylyn kung bakit natagalan ang pagre-renew niya ng kontrata sa GMA-7.
Saad niya: “Alam ko po na medyo natagalan, kasi sabi nga po ni Sir Duavit, may mga prinioritize pa ako.
“Maraming speculations, maraming nagalit, maraming haka-haka, may mga natuwa, nainis, may mga basher ako—ang dami.
“Pero kasi wala naman akong ibang pupuntahan. Ang destination ko laging here, palaging sa GMA.
“So I can say na I am home.”
Kung tutuusin, hindi naman daw nawala si Jennylyn sa GMA-7.
Ang panandalian niyang hindi pagiging aktibo ay itinuturing daw niyang pagbabakasyon lamang.
Aniya: “Actually, hindi ko nga alam kung dapat sabihin na I am home, na I am back, kasi hindi naman po ako nawala.
“Para lang akong nagbakasyon o nag-grocery lang tapos bumalik ako sa pamilya ko.
“I am here, I am back, I’m home.
“Kapuso pa rin tayo.”
Read: Jennylyn Mercado not transferring to ABS-CBN
JENNYLYN’S 22-YEAR-OLD SHOWBIZ CAREEr
Isa-isa ring pinasalamatan ni Jennylyn ang mga taong tumulong, nakasama, at nagmahal sa kanya sa loob ng mahigit dalawang dekada niya sa show business.
Taong 2003 nang magsimula ang showbiz career ni Jennylyn sa Kapuso Network nang hirangin siyang Ultimate Female Survivor sa first season ng reality-based artista search na StarStruck.
Matapos nito ay nagsunud-sunod na ang mga serye niya sa GMA-7, kabilang na rito ang Encantadia (2005), I Luv NY (2006), Super Twins (2007), La Vendetta (2007-2008), Paano Ba Ang Mangarap? (2009), Gumapang Ka Sa Lusak (2010), Rhodora X (2014), My Faithful Husband (2016), My Love From The Star (2017), at Descendants of The Sun (2020).
Ani Jennylyn: “Taus-puso po akong nagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa akin, at of course, sa GMA, sa patuloy na pagmamahal at sa patuloy na pag-support at pagtanggap pa rin po sa akin.
“Sa totoo lang, never naman po ako nakampante na ire-renew ako. Kasi sa totoo lang, ang dami nang artista na magagaling ngayon sa industry, nag-e-evolve tayo.
“To be here means so much. At wala po akong ibang nararamdaman kundi gratitude.
“I’m so grateful and I’m so happy na nakabalik na ako sa aking bahay after ng mahabang bakasyon.”
Ayon pa kay Jennylyn, ang pagpayag ng bosses ng GMA-7 sa kanyang panandaliang pagpapahinga ay malaking tulong para maprayoridad niya ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang mga anak.
Sabi ng aktres, “Hindi ko po ito nagawa noong oras na ipinanganak ko si Jazz kasi kailangan ko agad bumalik sa trabaho. Noong time na yon, wala akong choice.
“Pero ngayon, parang gusto kong bumawi sa pamilya ko kaya I’m happy na naiintindihan ako ng network, ng management ko.”
Si “Jazz” ang anak ni Jennylyn sa ex-boyfriend niyang si Patrick Garcia.
Isa naman ang anak niya sa asawa niyang si Dennis Trillo, si Dylan.
Si Dennis naman ay may isa ring anak sa dati niyang nobya na si Carlene Aguilar.