Dennis no Christmas, New Year greetings from estranged children

Excited si Dennis Padilla sa Netflix limited series na Bad Boy 3, kung saan nag-reunion sila ni Robin Padilla makalipas ang dalawang dekada.

Ang pelikulang Bad Boy (1990) ay pinagbidahan ni Robin, sa direksiyon ng namayapang Eddie Rodriguez.

bad boy 1990

Unang nagkasama sina Robin at Dennis sa pelikulang Maging Sino Ka Man (1991), na si Eddie Rodriguez din ang direktor.

maging sino ka man

Iyong Bad Boy 2 (1992) ay idinirek naman ni Bebong Osorio, at magkasama uli rito sina Robin at Dennis.

bad boy 2

Dito sa six-episode na Bad Boy 3, ang direktor ay si Robin mismo.

Nagsimula silang mag-shoot noong 2023, kung saan halos kalahati ang natapos nila. Itinuloy nila ang shoot last year.

“Kasi na-shoot lang namin nung Senate break, November,” kuwento ni Dennis noong Pebrero 1, 2025, Sabado, sa Cabalen restaurant ng SM San Lazaro, Manila.

Lunch break iyon ng motorcade ng Tolome, Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, kaugnay sa finale ng Season 3 ngayong Pebrero 2, Linggo ng 7:15 P.M. sa GMA-7.

Dagdag ni Dennis, “Tapos balik siya sa Senate. Tapos nung nag-break uli, one week, nag-shoot uli kami.”

May target streaming date na ba ang Bad Boy 3?

“Wala pa. Kasi may two to three shooting days pang natitira. Ang una kasi, four episodes lang.

“E, sa Netflix pala, ang rule, it has to be six. Yun yata yung rule nila,” tugon ni Dennis.

“Parang per episode, 50 minutes yata… so nung sinabi ng Netflix yata na kailangang magdagdag ng episode, magdadagdag ng two to three days shooting para magdagdag ng scenes dun sa gitna.

ON ROBIN PADILLA AS DIRECTOR

Nagdirek si Robin ng pelikulang Tum: My Pledge of Love (2011) kung saan co-stars niya sina Mariel Rodriguez, Queenie Padilla, at Ejay Falcon.

Kumusta si Robin bilang direktor ng Netflix limited series na Bad Boy 3?

“Masaya. Masarap. Masarap!”

Si Robin din ang producer?

“Meron yata siyang kasosyo. Very dedicated siya saka inspired siya nung nagsu-shoot kami,” pahayag ni Dennis.

“Na-miss niyang gumawa ng pelikula. At excited siyang magdirek. Excited siya.”

Nag-storycon ang Gringo: The Greg Honasan Story noong Hunyo 26, 2024 sa Cliffpoint Studio sa Pasig City. Pagbibidahan ito ni Robin.

Nang hindi pumasa ang script nito sa first batch ng official entries sa 50th MMFF, hindi na ito itinuloy.

Ano ang feeling noong gumagawa sila ng Bad Boy 3? Kumusta ang mga karakter nila?

“Siyempre nag-mature na kami. Napunta na ako ng ibang landas. Ahhh, puwede ko bang i-reveal?” sambit ni Dennis.

“Anyway, baligtad ang role namin. Siya, naging Christian pastor. Ako ang naging barangay captain ng isang napakalaking Muslim community sa Metro Manila.

“So ang role ko, Muslim na barangay captain. Tapos siya, Christian pastor. Dun magsisimula yung istorya.”

Sa totoong buhay ay Muslim si Robin, kaya malamang na suportahan ng Muslim community ang Bad Boy 3.

Tumango si Dennis, “Tsaka ano, ang ganda ng role ko! Iba, kasi ako ang Muslim barangay captain ng isang malaking Muslim community.

“Kaya ang ganda ng role ko, sobra!”

Nasa cast din ng Bad Boy 3 sina Joko Diaz, Ejay Falcon, Bembol Roco, Juancho Triviño, at Nadia Montenegro bilang nag-iisang asawa ni Dennis.

“Grabe to, drama-comedy. Pag napanood nyo ito, papaiyakin ko kayo,” pagmamalaki ni Dennis.

“Pag napanood niyo, maiiyak kayo sa eksena ko.”

DENNIS PADILLA ON HIS ESTRANGED CHILDREN

Na-enjoy niya iyong pagdadrama?

“Oo,” mabilis na sagot ni Dennis.

“Kasi malalim yung ano, e, malalim yung pinanggalingan ng story niya. Malalim talaga.”

Mahirap bang humugot ng emosyon para sa mga madramang eksena?

“Hindi. Madaling humugot. Andami kong hugot, e! Matitigan lang ako, naiiyak ako!” natatawang bulalas ni Dennis.

“E, dun pa naman sa story, supposed to be marami kaming anak ni Nadia. Ganun. Parang sa totoong buhay.”

OK na ba siya sa mga anak niya? Nag-abroad sila…

“Yung dalawa, yes. Pero nung… na-miss ko nung ano… na-miss ko nung… na-miss ko nung Christmas saka New Year,” malumanay na pagtatapat ni Dennis.

“Kasi gumawa naman ako, di ba, sa IG gumagawa ako ng greeting, ‘Merry Christmas,’ mga ganun.

“Tapos nag-record ako ng song para dun sa mga… nasa IG ko yun, e. Nag-record ako ng song para sa mga bata, di ba?

“Wala, parang nag-e-expect… parang iniintay ko na reaction, ganun. E, parang nalungkot lang ako, kasi parang hindi na naman ako nabati ng Christmas saka New Year.

“E, pagka matagal na kasi, parang nasasanay na… nasasanay ka na pati. Parang di ka na masyadong nag-e-expect.

“Pero there are times pagka mag-isa ako, o kaya nagda-drive ako — nalulungkot pa rin pala ako.

“At saka parang… pag nag-iisa ka, yung parang… sana maalala nila ako, di ba, mabati ng Christmas o New Year. O kaya pag birthday, parang ganun.

“Tapos eventually, siyempre ie-erase mo na lang. Kasi malulungkot ka, e. So, ie-erase mo na lang.

“Sasabihin ko na lang, ‘Lord, baka siguro next year.’ Parang ganun. So I just ano, lagi ko naman silang ipinagdadasal.

“Na ang pinakaimportante, gusto ko lang lagi silang ligtas.

“Number two, gusto ko, lahat ng blessings na puwedeng pumasok sa buhay nila sa araw-araw, e, dumating.

“Lagi kong dinadasal talaga yon.”

Hindi kaila sa publiko na hindi maayos ang relasyon ni Dennis sa kanyang mga anak sa dating asawa na si Marjorie Barretto — sina Julia, Claudia, at Leon.