Ikinalungkot ng mga aktor na sina John Arcilla, Derek Ramsay, at Rocco Nacino ang nag-viral na video ng security guard at sampaguita vendor.
Noong January 16, 2025, nag-viral online ang video na kuha ng isang netizen na nakasaksi sa hindi pagkakaunawaan ng isang security guard sa isang mall sa EDSA, Mandaluyong City, at isang babaeng vendor ng sampaguita na nakasuot ng high schoool uniform.
THE VIRAL VIDEO
Hindi tiyak kung kailan sakto nakunan ang viral video ng security guard at ng sampaguita vendor, pero mainit ngayon itong pinag-uusapan sa social media, kunsaan pinagtatalunan ng netizens kung sino nga ba ang may kasalanan sa insidente.
Sa extended version ng viral video, mapapanood na kinakausap ng guard ang sampaguita vendor na nakaupo sa gitna ng hagdan na pasukan sa mall entrance.
Naka-school uniform ang sampaguita vendor. Halatang hindi niya pinapansin ang sinasabi ng security guard.
Itinuturo ng security guard ang isa pang batang lalaking nagtitinda ng sampaguita na mas malayo sa hagdan at entrance ng mall.
Animo’y sinasabihan nito ang batang babae na umalis ito sa kinauupuan at puntahan ang batang lalaki.
Pero nang tumayo ang batang babae, biglang hinablot ng guard ang panindang sampaguita ng vendor at saka sinira ang mga ito.
Dito na nagsimula ang tensiyon nang gantihan ng sampaguita vendor ang nasabing security guard nang sunud-sunod niya itong hampasin sa tangkay ng dala niyang bulaklak.
Nang hindi na masawata, bahagyang sinipa ng security guard ang sampaguita vendor kasabay ng pagsangga ng kanyang kamay sa sunud-sunod na paghampas ng bata sa kanya.
Dahil sa video, hati ang reaksiyon ng netizens, bagamat halatang mas marami ang pumapanig sa batang babae.
Anila, nararapat lamang maparusahan at tanggalin ang security guard sa kanyang trabaho dahil sa inasal nito.
Ang iba naman ay nagsabing kailangang alamin ang dalawang panig ng istorya at kung bakit umabot sa puntong gumamit ng dahas ang guard.
Pero ang mas nangingibabaw na mensahe: maling-mali na pagbuhatan ng kamay ng security guard ang menor-de-edad na sampaguita vendor.
JOHN ARCILLA SHARES HIS TWO CENTS ABOUT THE ISSUE
Isa sa nagpupuyos sa galit sa security guard ay ang award-winning actor na si John Arcilla.
Sa pamamagitan ng pagpu-post sa Instagram nitong Huwebes, January 16, inihayag ni John ang kanyang pagkadismaya sa inasal ng security guard sa sampaguita vendor.
Kalakip ng post ni John ang viral na video ng pagpapaalis ng security guard sa bata.
Giit ni John, wala siyang nakikitang mali sa paghahanap-buhay ng batang sampaguita vendor.
Ang may mali raw sa nangyari ay ang security guard dahil sa pagsira nito sa sampaguitang dapat ay ititinda ng bata.
Mababasa sa caption ni John (published as is): “Kung hindi miserable at hindi mahirap ang buhay ng bata, magtitinda kaya siya ng Sampaguita kung may iba siyang paraan ng pagkakakitaan?
“Wala naman siyang sinasaktang tao. Mahirap na nga ang buhay niya, papahirapin pa natin? Such a sad video to watch. Nag hahanap buhay yung bata. Bakit kailangan wasakin yung tinda niya?
“Hindi ko masisi ang bata kung bakit nagalit. Bakit may mga Guard o taong ganito?
“Sana may kunsiderasyon. When we are in authority and we use it to mistreat someone we outrank, what kind of person are we?”
Sa huli, umaasa si John na mapanagot ang security guard na naghamak umano sa sampaguita vendor.
Saad ng aktor, “Sana ay mabigyan ng tamang leksiyon ang Guard.”
DEREK RAMSAY’S REACTION
Sa comments section ng post ni John ay makikita ang pagkukomento ng kapwa niya aktor na si Derek Ramsay.
Taliwas sa reaksiyon ni John, naging balanse si Derek sa paninisi kung sino ang may kasalanan sa pagitan ng security guard at ng sampaguita vendor.
Ayon sa mister ni Ellen Adarna, sa tingin niya ay parehas may mali ang security guard at sampaguita vendor kaya sila nagkainitan ay nagkasakitan.
Ngunit bukod sa dalawa ay mayroon pa rin daw dapat pagalitan—ito’y walang iba kundi ang netizen na kumuha ng video na wala man lang ginawa para pigilan ang nagkakainitang sampaguita vendor at security guard.
Ani Derek (published as is): “It’s sad that nobody interfered and made an effort to help pacify the situation. Mas priority pa ang mag video kesa tumulong.
“Mahirap mag comment sa ganitong mga video. Hindi natin Alam ang buong storya.
“May mali talaga sa guard and I’m sure may mali din sa bata but mali din ang gumawa ng video kesa tumulong. Nilagyan pa ng music na malungkot.”
ROCCO NACINO extendS sympathies to SAMPAGUITA Vendor
Maging ang Kapuso actor na si Rocco Nacino ay hindi rin nakatiis na magkomento sa post ni John.
Katulad ni John, ang panig ni Rocco ay nasa sampaguita vendor na hinablutan ng security guard ng paninda.
Saad ni Rocco (published as is), “Siguro kung nakiusap ng maayos ung guard, baka nakipagcooperate ung bata. Hindi lahat nadadaan sa galit.”
Security guard may face punishment
Sa huling ulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), napag-alamang pagkasuspinde at pagbawi sa lisensiya ang maaaring kaharapin ng security guard.
Ito ay kapag napatunayang may iregularidad sa inasal ng security guard na gumamit ng puwersa para paalisin ang sampaguita vendor sa harap ng SM Megamall sa EDSA, Mandaluyong, ayon sa ulat ng DZRH News.
Samantala, naging maagap naman sa pagkilos ang pamunuan ng SM Megamall, kung saan nakadestino ang security guard, kasunod ng pag-viral ng video.
Sa ipinost nilang statement sa social media, sinabi nilang nakikisimpatiya sila sa batang babaeng nakaranas ng “unfortunate incident outside our mall.”
Inabisuhan umano ng pamunuan ng mall ang security agency na magsagawa ng imbestigasyon na kinasasangkutan ng kanilang tao.
Tinanggal na rin daw sa trabaho ang security guard at hindi na itatalaga sa alinman sa kanilang mall branches.