Bawal sirain ang Philippine money—peso bill man o coin.
Ito ang mahigpit na paalala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kasunod ng paghuli sa mga lalaking nag-o-offer sa mga turista ng singsing na gawa sa sampung pisong barya.
Nangyari ang panghuhuli sa beaches ng Siquijor pati na rin sa Boracay.
Kakasuhan ng BSP ang anim na lalaking ito dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 248 na nagbabawal sa “destruction, mutilation, tearing, burning, or defacement of Philippine currency” ulat ng ABS-CBN News, February 3, 2025.
Ang parusa sa napatunayang nagkasala ay maaaring makulong ng hanggang limang taon at magmulta ng PHP20,000.
PHILIPPINE COINS BEING TURNED INTO SOUVENIRS
May mga TikTok videos na ipino-post ang mga turista—kabilang ang foreigners na nasa beach—kung saan nilalapitan sila ng mga kalalakihang nag-o-offer ng souvenirs.
Aktuwal na gagawin ang singsing sa harap ng turista sa loob ng higit kalahating oras.
Ang presyo: PHP1,500.
Noong ikalawang linggo ng Enero 2025, iniulat ng ANC ang ginawang undercover operation ng operatiba ng BSP-Payment and Currency Investigation Group (PCIG) sa Paliton Beach sa San Juan, Siquijor.
Nagpanggap silang mga turista.
Maya’t maya, nilapitan sila ng limang lalaki.
“So nag-conduct kami ng several test-buy operations. Na-determine nga namin ang mga ito nag-o-offer, especially to foreigners. In-offer-an din ang local tourists,” ani Attorney Mark Fajardo, senior investigation officer ng BSP-PCIG.
“Ang charge nila sa ganitong ring PHP1,500.”
Sinabi pa ni Fajardo na “medyo sort of bragging” ang mga pahayag ng mga kalalakihang ito na sinabing nakakagawa sila ng 20-30 jewelry rings sa loob lamang ng isang araw.
“Sisirain nila ito. Tatanggalin ang inner core and gagawa sila ng ring sa inner core na iyon.”
Gawa sa aluminum bronze ang inner core, habang copper nickel ang outer core ng PHP10.
Sinabi rin ng grupo na kumikita sila ng tinatayang PHP50,000 sa loob ng isang araw.
Sabi pa ni Fajardo, alam daw ng mga lalaking ito na mali ang kanilang ginagawa.
“They admit naman na mali sila kasi right from the start… even during the conduct of our test-buy operation, sinabi nga nila, ‘Actually winarningan na nga kami ng mga netizens.’”
Nakatanggap na rin sila ng babala mula sa BSP.
Sa huli, nag-iwan ng paalala si Fajardo, “We remind the public na ipinagbabawal ang pagsira, paglaruan kung anuman gawin sa legal tender na pera natin. Ito man ay pera na papel o coins natin.”