Baron Geisler all praises for Incognito co-stars

Bumalik sa No. 1 spot ng Top 10 Shows ng Netflix ang action-drama series na Incognito.

Bida rito sina Daniel Padilla, Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Kaila Estrada, Maris Racal, Anthony Jennings, at Baron Geisler; sa ilalim ng direksiyon ni Lester Pimentel Ong.

Sa pakikipagpalitan ng mensahe ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Baron sa Messenger noong Biyernes, January 31, 2025, nagpahayag ng saya at pasasalamat ang aktor sa mga taong patuloy na nanonood at tumututok sa Incognito.

“Sobrang nakaka-bless! Hindi ko in-expect na ganito kainit ang pagtanggap ng tao sa Incognito.

“Ang saya sa puso na makita ang hard work ng buong team—mula sa cast, crew, hanggang sa production—na nagbunga.

“I’m just grateful to be part of a project that resonates with so many people.”

Ano sa tingin ni Baron ang dahilan kaya tinututukan ng mga manonood ang kanilang teleserye?

Ayon sa aktor, “I think malaking factor ang ganda ng kwento at kung paano ito na-execute.

“Solid ang team namin, at bawat isa committed na gawing makatotohanan at kapana-panabik ang bawat eksena.

“Pero higit sa lahat, siguro dahil may puso ang kuwento—may lalim, may aksyon, may emosyon.

“At siyempre, ang suporta ng audience, sila talaga ang dahilan kung bakit nandito kami.

“Saka ang gagaling ng mga direktor namin, si Direk Lester saka si Direk Ace Yan Bin. He brings out the Hongkong/Hollywood feels to the fight scene.”

incognito cast director

GOOD TEAMWORK AMONG INCOGNITO CAST

Masaya rin si Baron sa magandang samahan ng buong cast sa set na ang turing nila sa isa’t isa ay parang magkakapamilya.

Saad niya, “Grabe, sobrang saya at inspirasyon silang katrabaho! Ang gagaling nila at ang dami kong natutunan sa kanila.

“Iba-iba ang atake ng bawat isa sa roles nila, kaya ang daming moments sa set na nakaka-amaze.

“Bukod sa trabaho, magaan din ang samahan namin off-cam, kaya hindi siya trabaho lang—parang pamilya na rin.”

Tinanong din namin si Baron kung sino sa cast ang maituturing niyang pinakamalapit sa kanya sa lahat.

Sagot niya, “Lahat sila malapit sa puso ko, lahat sila may certain level of closeness.

“Pero regarding family matters, masasabi ko si Ian Veneracion saka Richard Gutierrez.

“Mas madalas kong nakakasama si Chard, may personal matters, ganun, pero kami madalas magka-usap kasi since Iron Heart.

“Pero in general, solid ang bonding ng buong cast. Walang iwanan kaya mahal na mahal ko ang grupo na ito.”

Kuwento pa ni Baron, “Si Daniel, sobrang kind.

“May masabi lang ako, like, ‘Ang ganda ng T-shirt mo na yan ‘ or ‘Ang sarap niyan sisig,’ the next day may sisig na ako sa set. Maalaga siya sa lahat.

“Si Kaila, we get to laugh, lahat kami nagtatawanan. Si Kaila masarap kasama, very serious sa acting niya.

“Si Maris is fun din naman.

“Si Anthony, sabay kaming nagdyi-gym, nakakapag-bond kami nang ganun, katatawanan ang lahat.

“Si Kuya Ian naman, punung-puno ng wisdom, ang dami kong nakukuha sa kanya—sa buhay, sa asawa, sa relationships.and also well being, lahat-lahat.

“Siya talaga yung parati kong nakakausap, nakaka-chat. Kasi pag may questions, siya yung laging nandiyan para sa akin.

“Si Kuya Ian, makulit sa set paminsan-minsan.

“Si Chard naman, siya talaga ang leader ng grupo, on and off cam. Siya talaga yung parang ninong ko.

“Kasi pag may mga tanong sa industriya, e, nabibigyan niya ako ng magandang advice din at maalaga rin siya.”

Ito ang masasabing kauna-unahang action project ni Daniel Padilla at marami sa mga tagahanga nito ang nag-aabang talaga sa isang bagong Daniel na mapapanood dito.

Puring-puri naman ni Baron ang aktor.

“Nakakabilib si Daniel! Kita mo yung dedication niya—lagi siyang handa, nag-aaral, at willing matuto.

“Napaka-professional niya, pero at the same time, sobrang light at masaya siyang kasama sa set.

“Alam mong excited siya sa role niya, at kita rin sa performance niya na binuhos niya ang puso niya dito.”

BARON ON ACCEPTING PROJECTS

Nanalo si Baron bilang Best Actor sa Star Awards for Movies dahil sa mahusay na pagkakaganap sa pelikulang Dollhouse.

“Salamat po! I’m really grateful for that recognition. Right now, may ilang projects na nakalatag, pero hindi ko pa puwedeng i-reveal lahat.

“Ang sigurado, tuluy-tuloy lang ang trabaho at paghahanap ng mas challenging at meaningful na roles.

“Gusto ko pang i-explore ang mas maraming kwento na makaka-inspire sa tao.”

Mas naging mapili na kaya si Baron sa mga susunod na pelikula na gagawin niya?

“Mas mapili? Oo, mas nagiging maingat ako sa pagtanggap ng roles ngayon. Gusto ko kasi, bawat proyekto may lalim, may mensahe, at may impact.

“Hindi lang basta basta tanggap—dapat aligned sa values ko at may kalidad.

“Pero open pa rin ako sa iba’t ibang roles, lalo na kung may kakaibang challenge sa acting ko.”

Nauna nang nagkaroon ng reunion movie sila Kaye Abad, Patrick Garcia, at Paolo Contis sa pelikulang A Journey.

Marami ang nag-aabang kung kailan daw kaya magkakaroon ng reunion movie ang buong Tabing Ilog cast.

Sabi ni Baron, “Ay, ang saya siguro kung mangyari yun! Tabing Ilog will always have a special place in my heart, and working with them again would be amazing.

“I think depende na lang sa tamang timing at tamang kuwento. Pero kung mangyari man, I’m sure maraming fans ang matutuwa.”