Handa nang muling umibig ang Kapamilya actress na si Andrea Brillantes kung sakaling dumating ang lalaking muling magpapatibok sa kanyang puso.
Ito ang sinabi ni Andrea nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa ginanap na Star Magic Spotlight noong Martes, January 21, 2025.
Bahagyang napag-usapan ang lagay ng puso ni Andrea nang mabanggit ang pagkakahirang sa kanya bilang Top 1 sa 100 Most Beautiful Faces ng TC Candler and Independent Critics noong December 2024.
Dinaig ni Andrea ang mga kilalang South Korean stars na sina Jisoo (top 2), Rosé (7), Lisa (18), at Jennie (35) ng BLACKPINK; Nancy McDonie ng Momoland (5); Chaeryeong ng ITZY (43); Won Young ng Ive (33); Danielle ng New Jeans (26); Karina ng aespa (24); Nana (20); Sana ng TWICE (22); at Pharita ng BabyMonster (16).
Nilampasan din ni Andrea sa ranking ang American stars gaya nina Dua Lipa (99); Sabrina Carpenter (87); Ariana Grande (85); Zendaya (42); at supermodel na si Leni Klum (27).
Nasa listahan din ang kapwa Filipino stars ni Andrea na sina BINI Aiah (88); Gehlee ng Unis (82); Ivana Alawi (69); Belle Mariano (52); Liza Soberano (31); at Janine Gutierrez (28).
ANDREA BRILLANTES on HAVING SUITORS
Dahil dito, tinanong si Andrea kung dumami ba ang mga nanliligaw at nagpaparamdam sa kanya matapos niyang kilalaning numero unong pinakamaganda sa buong mundo, para sa TC Candler and Independent Critics.
Natatawang sagot ng Kapamilya actress, “Before naman akong i-announce na Most [Beautiful], mayroon naman po talaga.
“Pero hindi talaga kasi ako nakaka-focus doon, katulad na last year, like, inaamin ko yon sa kanila na parang, ‘Sorry, pero I don’t really date o like ganyan yung hinahanap ko.’
“Pero meron pong mga nagpaparamdam.”
Sundot na tanong sa kanya, “You’e not ready to date this 2025?”
Natigilan saglit si Andrea at kapansin-pansing pinag-isipan niyang mabuti ang kanyang isasagot.
Sinabi niyang noon pa man ay ipinagdasal na niya sa Diyos ang susunod na lalaking kanyang mamahalin.
Sa palagay raw kasi ng aktres ay handa na siyang muling umibig sa kabila ng mga pinagdaanan niya sa nakalipas niyang relasyon.
Aniya: “Sabi ko din naman kasi, yung nagdarasal ako kay Lord, may prayers ako na, ‘Lord, actually I think na nakapag-heal na ako, not hundred percent because nobody has hundred percent healed.’
“Pero I think kasi ang laki na ng growth ko from last year. At the same time, what if I’m just being isolated?
“Na, parang lumalayo lang ako pero ang totoo pala is hindi pa ako nakakapag-heal.
“So, sabi ko, ‘Lord, I don’t know, but maybe I can kung may darating or what.’
“Let’s see, I’m open naman to it, pero I want to be intentional with it. But I’m open.”
Hindi pinangalanan ni Andrea ang mga lalaking nagpaparamdam sa kanya.
ANDREA’S PAST RELATIONSHIP
Ang PBA player na si Ricci Rivero ang huling nakarelasyon ni Andrea.
April 9, 2022, nang maging opisyal silang magkasintahan hanggang sa magkahiwalay sila noong June 2023.
Naging kontrobersiyal ang breakup ng dalawa nang madawit ang pangalan ni Los Baños Laguna councilor Leren Mae Bautista, na siyang itinurong third party sa relasyon nina Ricci at Andrea.
Mabilis pinabulaanan ni Leren na siya ang dahilan sa hiwalayan ng dalawa.
Noong October 21, 2023, isinapubliko ni Ricci na kasintahan na niya si Leren.
Ngunit paglilinaw niya, wala na sila ni Andrea nang maging sila ng dating beauty queen.
ANDREA’S INVOLVEMENT IN KATHRYN Bernardo-DANIEL padilla BREAKUP
Matapos mahiwalay kay Ricci, nadawit naman ang pangalan ni Andrea sa hiwalayan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, na isinapubliko noong November 30, 2023.
Si Andrea ang itinurong third party sa breakup ng KathNiel.
Personal pa umanong nakipagkita si Andrea kay Kathryn upang ibunyag ang kanilang naging ugnayan ni Daniel.
Dahil dito, kaliwa’t kanang pambabatikos ang inabot ni Andrea mula sa mga tagahanga nina Kathryn at Daniel, dahilan para ituring siya bilang isa sa pinakakontrobersiyal na personalidad noong 2023.
Sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News noong January 19, naikuwento ni Andrea kung paano siya nakabangon mula sa pagkakalugmok dahil sa isyu.
Hindi raw naging madali sa kanyang harapin ang mga pagsubok na dinaanan niya. Ngunit sa tulong daw ng Diyos ay unti-unti siyang nakakabangon.
Aniya, “To be honest po, talagang puro lang po ako nagtse-church.
“I was just strengthening my relationship with God and naniniwala lang po ako sa kanya, and yun lang po.
“When you seek God, you find peace. I found naman, I wasn’t really at peace, I had peace through Him.”