Dawit si Tessa Prieto sa reklamo ng syndicated estafa dahil sa diumano’y maanomalyang financing scam.
Mariin naman itong pinabulaanan ng kilalang socialite.
Pormal na naghain si Tessa ng counter-affidavit niya sa Makati Prosecutor’s Office Lunes ng hapon, January 20, 2025.
Dito niya idinetalyeng may kinalaman ang ex-girlfriend niyang si Angel Chua sa pagkakasabwat sa kanya sa reklamo.
Nangungunang respondent sa reklamo si Angel, at may apat pang pinangalanang respondents bukod kay Tessa.
Diin ng socialite, walang-wala siyang kinalaman sa mga akusasyon laban sa kanya. “I categorically and vehemently deny all the accusations against me for being baseless, false, misleading and devoid of factual or legal merit.”
WHAT HAPPENED?
Inirereklamo si Tessa ng isang nagngangalang Salud Bautista.
Tinukoy ni Tessa si Salud bilang isang kakilala na ang negosyo ay nasa “financial transactions.”
Hindi binanggit ni Tessa, pero sa pagsasaliksik ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nakasaad sa ulat ng GMA News Online at ng ibang online news sites noong 2016 na si Salud ay presidente ng money remittance firm na Philrem Service Corporation.
Nakakuha ang PEP ng kopya ng kontra-salaysay ni Tessa sa reklamo ni Salud.
Ayon kay Salud Bautista, niyaya siya ni Tessa na mag-invest ng halagang PHP5 million sa isang “financing scheme” ng Premiere Alliance Property Construction Corporation (PAPC).
Balik dito ni Tessa, hindi raw ito kapani-paniwala dahil hindi siya incorporator o officer ng nasabing kumpanya.
Ni wala raw siyang kaugnayan sa PAPC kahit bilang representative.
Bilang patunay, isinumite ni Tessa kasama ng kanyang salaysay ang kopya ng Articles of Incorporators ng PAPC na nagpapakitang hindi siya nakalistang incorporator o officer.
Ang tanging transaksiyon daw ni Tessa kay Salud ay nang mangutang si Tessa rito ng PHP5 million para sa noo’y girlfriend ng socialite na si Angel Chua.
Hindi raw kasi maka-withdraw si Angel sa sarili nitong bank account dahil na-freeze umano ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa kinahaharap na pending legal cases.
Paliwanag ni Tessa, April 2023 nang mangailangan ng pera si Angel.
Nakasaad sa salaysay ni Tessa: “Since I knew Bautista was in the financial transactions business, I asked her if I could borrow Five Million Pesos (Php5,000,000.00) from her.
“I did not mention PAPC at all. I did not misrepresent the purpose of the loan, nor did I tell her that it was part of a ‘financing scheme’, as she falsely claims.
“The transaction was simply a loan.”
Nang matanggap daw ni Tessa ang PHP5M mula kay Salud ay ibinigay raw niya agad ito kay Angel.
Nang sumunod na buwan, nagbayad daw agad si Tessa kay Salud sa pamamagitan ng isang postdated check na may petsang May 20, 2023.
Ang total amount na binayaran daw ni Tessa kay Salud ay PHP5,050,000.
Kinumpirma naman daw ni Angel na na-settle na ang loan nang tanungin ni Tessa tungkol dito.
Pero natuklasan daw ni Tessa na niloloko na siya umano ng nobya.
Hindi raw akalain ni Tessa na siya na ang nagmagandang-loob, pero siya pa raw ang niloko nito sa pera, at naidadawit ngayon sa walang-basehang reklamong syndicated estafa.
tessa prieto denies she asked for another PHp10-M LoAN
Pinabulaanan din ni Tessa na nangutang siya kay Salud ng dagdag na PHP10 million kalaunan.
Wala rin daw siyang in-offer na foreign currency exchange kay Salud.
“The complainant deceptively asserts that she caused the delivery of money to me at my residence.
“Contrary to this claim, I never received any money from the complainant nor have I benefitted from the same,” sabi ni Tessa sa kanyang salaysay.
Ayon kay Tessa, pinalalabas ni Salud na nagpapadala si Tessa ng mensahe sa kanya mula April-May 2023, at nagbabayad daw si Tessa kay Salud ng mga interes sa loan.
Hindi raw iyon totoo.
Katuwiran ni Tessa, ni wala raw mailabas si Salud na kopya ng mga sinasabi nitong messages mula kay Tessa.
Paliwanag pa rin ni Tessa, hindi na raw siya nakialam sa mga transaksiyon nina Angel at Salud mula nang una siyang nangutang ng PHP5M kay Salud.
Kalaunan, direkta na raw si Angel sa pakikipagtransaksiyon kay Salud.
Dahil base sa Cebu ang noo’y nobyang si Angel, inamin ni Tessa na may pagkakataong pinayagan niyang sa kanyang bahay sa Metro Manila ipadala ang pera mula kay Salud para kay Angel.
Pero hindi raw si Tessa ang humaharap at tumatanggap ng pera kundi ang kanyang kasambahay.
Ang driver naman daw ni Angel ang pumi-pick up ng pera sa bahay ni Tessa.
“During these transactions, Bautista was fully aware that the money or checks she occasionally delivered to my address was intended for Angel.
“Bautista likewise knew that Angel’s driver would be the one to collect the money and checks from her as part of her dealings with Angel.
“Evidently, my residence was simply used by Bautista and Angel as a pickup and drop-off point for their exchanges.”
Sa parte ni Tessa, wala raw siyang ideya kung para saan ang mga transaksiyong iyon.
TESSA CLAIMS SHE WAS COERCED INTO SIGNING PROMISSORY NOTES
Salaysay pa rin ni Tessa, July 2023 nang pilitin siya ni Angel at ni Salud na pumirma ng ilang promissory notes.
Hindi raw niya alam kung ano ang paggagamitan, pero pinirmahan daw niya ito dahil sinabi raw sa kanyang hindi naman ipapanotaryo ang mga ito.
Buo rin daw ang tiwala ni Tessa kay Angel kaya pumayag siya.
Pagdating ng December 2023, nagulat na lang daw si Tessa nang ipakita sa kanya ni Angel na napanotaryo ang ilan sa promissory notes.
“When I checked the promissory notes, I also discovered that my signature was forged on some pages of the documents.
“These events have led me to suspect that Angel and Bautista may be involved in unethical and potentially unlawful activities together, and could be conspiring against me to coerce me into paying off Angel’s unpaid debts to Bautista.”
Sa pagsusuri raw ng kanyang mga abogado sa complaint affidavit ni Salud, napag-alaman ni Tessa na nadawit siya sa reklamo dahil sa mga tsekeng inisyu ng PAPC sa Abba Currency Exchange, Inc.—na pirmado raw lahat ni Angel.
“I had no direct involvement in the transactions between Bautista, Angel and PAPC.
“Regrettably, it seems that both Bautista and Angel are attempting to falsely implicate me herein in an effort to hold me accountable for Angel’s apparent fraudulent scheme.”
Ayon kay Tessa, mayroon silang joint account ni Angel na binuksan noong 2023.
“As it was a joint account, Angel had full access and control over the funds therein. I did not actively monitor the account and was unaware of its transactions.”
Isinara na raw iyon ni Tessa dahil sa naging “suspicious activities” ni Angel.
TESSA prieto on past RELATIONSHIP WITH ANGEL chua
Ipinaliwanag din ni Tessa sa kanyang salaysay ang relasyon nila noon ni Angel.
Naging magkasintahan sila noong March 2023 o dalawang buwan mula nang makilala niya ito.
Ang pagkakakilala raw ni Tessa kay Angel ay mayaman ang estado nito sa buhay, kaya hindi raw niya inakalang lilinlangin siya nito sa pera.
Palagi raw siya nitong inililibre sa mga “luxurious international trips” at binibigyan ng mga mamahaling regalo.
“Since this was unlike anything I had experienced in my previous relationships and Angel appeared financially stable, it built my trust in Angel,” pag-amin ni Tessa.
Binigyan niya umano si Angel ng “unrestricted access” sa kanyang cellphone at credit card.
“Eventually, she began borrowing money from me in the millions and asked to use my credit card.
“Because I trusted her, I consented to these requests,” dagdag ng mayamang socialite.
ON ANGEL chua allegedly USING HER PHONE for fraudulent schemes
Ayon pa rin kay Tessa, hindi lang siya ang niloko ni Angel sa pera.
Ginamit umano ni Angel ang kanyang cellphone at nagpanggap bilang siya upang manghingi ng pera sa iba.
Nalaman daw iyon ni Tessa nang bigla siyang siningil ng isang jeweler mula sa Cebu.
May pagkakautang daw siyang PHP700,000; bukod sa mga hindi pa niya bayad na alahas na may halagang PHP3.19 million.
Ani Tessa: “To my shock, she was referring to pieces of jewelry that Angel had given to me as gifts during our relationship…”
Diin ni Tessa, wala raw siyang personal transaction sa jeweler.
Napag-alaman daw ni Tessa na “the jewelry Angel gave me was paid for with checks issued in my name, which subsequently bounced.”
Napagtibay ni Tessa ang kaalamang ginamit ni Angel ang cellphone niya nang walang permiso nang sabihin ng ina ni Tessa at ilang mga kaibigan na nakatanggap ang mga ito ng mensaheng nanghihingi ng pera ang socialite.
Hindi aware si Tessa dahil wala raw siyang nakitang trace sa kanyang phone.
Tingin ni Tessa, binubura ang mga ito ni Angel kaya hindi na niya nakikita.
TESSA PRIETO ON “BASELESS” SYNDICATED ESTAFA AGAINST HER
Sa huli, nanindigan si Tessa na walang basehan ang pagdawit sa kanya sa reklamong syndicated estafa na isinampa ni Salud.
Bigo raw si Salud na ipakita ang mga elemento ng syndicated estafa para ireklamo siya.
Kung mayroon man daw siyang “civil liability,” iyon ay para lamang sa “non-payment of loan” at hindi dahil sa pekeng scam para sa isang “financing scheme.”
Sabi pa sa salaysay ni Tessa: “THE COMPLAINT-AFFIDAVIT IS BEREFT OF ANY EVIDENCE THAT WOULD REMOTELY JUSTIFY, MUCH LESS PROVE, A CONCLUSION THAT I HAD ACTUAL AND DIRECT PARTICIPATION IN THE CRIME BEING CHARGED.
“GIVEN HOW BASELESS AND UNMERITORIOUS THE CHARGE IS AND THE CLEAR UNDERLYING SINISTER MOTIVE BEHIND MY INCLUSION, THE COMPLAINT MUST BE DISMISSED OUTRIGHT CONSISTENT WITH THE PURPOSE OF PRELIMINARY INVESTIGATION TO SECURE THE INNOCENT AGAINST HASTY, MALICIOUS AND OPPRESSIVE PROSECUTION.”
KARAGDAGANG IMPORMASYON
Lunes ng hapon, Enero 20, 2025, nakapanayam ni PEP Deputy Managing Editor Rachelle Siazon ang abugado ni Angel Nicole Chua, na si Atty. Alex Acain ng Guzman, Acain, LLP Law Firm.
Hiningan ng PEP si Atty. Acain ng opisyal na pahayag mula sa kanyang kliyente. Ang sagot nito, “It’s all in the complaint-affidavit. I don’t want to discuss it further.” Nang tinanong ni Siazon kung nasaan ang kliyente niya, sinabi nito, “She’s in Cebu. Sinulog po kahapon.”
Nang binanggit ng PEP na si Angel and main respondent sa estafa complaint, sagot ni Atty. Acain: “No, no, there’s no primary. All of the [individuals named] are all respondents.”
Nangyari ang pagtatagpo ni Atty. Acain at ni Siazon sa Makati Prosecutor’s Office, 2:20 ng hapon. Mula noon, nagtext uli si Siazon sa abugado, na humihingi ng komento sa counter-affidavit ni Tessa Prieto na binabanggit si Angel Chua. Wala pa itong sagot.
Isang araw bago nito, Enero 19, nagpadala ng text message si PEP Executive Editor Karen Pagsolingan kay Angel Chua.
Sinasaad dito: “This is Karen Pagsolingan from PEP.ph. Ms. Tessa Prieto is scheduled to appear in court tomorrow regarding the syndicated estafa case filed against her, with you as the respondent. We hope you can accommodate an interview with us. We can either send our questions in advance or conduct the interview via Zoom—whichever is more convenient for you. Thank you, and we look forward to your response.”
Hanggang sa oras na ito, wala pang sagot si Angel Chua.
Samantala, sinusubukang hanapin ng PEP sina Salud “Sheba” Bautista, ang complainant na naghain ng syndicated estafa, at apat pang respondents. Ang dalawa pang bumubuo ng anim na respondents ay sina Angel Chua at Tessa Prieto.