Angelica Panganiban recalls happiest, painful memories of 2024

Hindi naiwasang maging emosyunal ni Angelica Panganiban sa ikalawang araw ng Bagong Taon, January 2, 2025, dahil sa mga lungkot na idinulot sa kanya ng nagdaang 2024.

Ngunit napapangiti naman daw siya sa mga maliligayang araw na naranasan niya noong nakaraang taon.

Sa Instagram, sinabi ni Angelica na wala siyang balak sumali sa mga nagri-recap ng nagdaan taon.

Pero sabi rin niya, “ako pa ba ang magdadamot ng recap samantalang isa ako sa sinubok ng 2024.”

ANGELICA PANGANIBAN REMEMBERS 2024

Kuwento ni Angelica, nagsimula ang kanyang 2024 sa isang napakaligayang kabanata.

January 1, 2024, inanunsiyo ni Angelica na ikinasal na siya at ang kanyang longtime fiancé na si Gregg Homan.

Base sa kanyang post, ikinasal sila noong huling araw ng taong 2023, o December 31, 2023 (12-31-23).

Ngunit nasundan daw ito ng malungkot na mga pangyayari.

Aniya, “How I want to remember the year that was. Nagsimula sa napakaligaya. Umabot sa pinaka masakit. Paulit ulit ang dasal ko na patuloy kong maintindihan at matanggap ang lahat ng nangyari.

“Alam ko, oras lang ang makakapag sabi bago gumaan ang nararamdaman ko. Sabi nila, hindi matatapos ang grieving. Dahan dahan lang mababawasan ang bigat.”

Kung babalikan, noong November 2023 unang isapubliko ni Angelica ang tungkol sa kanyang kundisyon.

Una siyang nakaramdam ng pananakit ng katawan noong July 2022—ika-anim na buwan ng kanyang pagbubuntis.

Hindi pa raw eksaktong matukoy noon ni Angelica kung sa balakang o sa legs ang nararamdamang masakit.

Inakala raw ni Angelica at that time na parte lang iyon ng kanyang pagbubuntis.

September 2022 nang manganak si Angelica, pero napansin niyang sumasakit pa rin ang balakang niya lalo na kapag binubuhat niya ang kanyang anak.

Sa kanyang pagkukuwento noong 2023, sinabi ni Angelica, “Six months into pregnancy, meron na akong mga nararamdamang sakit sa may hips.

“Hindi ko actually ma-pinpoint noon kung sa hips, sa leg, sa likod or sa puwitan. Yun yung mga struggles ko noon.

“Nagtanung-tanong ako sa mga doktor and friends ko na naging mommy na rin, and lahat naman sila sinasabi na it’s part of pregnancy.

“So nung nanganak ako, wala rin talaga akong time na pansinin kung ano ba talaga yung mga masakit sa katawan ko.”

Noong August 20, 2024 naman, malungkot na ibinalita ni Angelica ang pagpanaw ng kanyang ina na si Annabelle Panganiban.

At noong October 2024, sumailalim si Angelica sa hip surgery replacement sa kaliwa niyang balakang.

Kaugnay ito ng matagal niyang inindang avascular necrosis, na ayon sa clevelandclinic.com ay isang “painful bone condition.”

Unti-unting namamatay ang bone tissue dahil sa kawalan ng blood supply, at malaki ang epekto nito sa mobility ng tao.

Ang kaliwang hip ni Angelica ay nasa stage 3, na ayon sa WebMD.com, “more than a third of the bone’s weight-bearing area is dead.”

From stage 3 pataas, kailangang sumailalim ng pasyente sa arthroplasty, isang surgery para mapalitan ng prosthetic implant ang collapsed bone and cartilage.

Ito ang naging recent treatment for Angelica.

Ginawa ang kanyang hip replacement surgery sa St. Luke’s Medical Center noong October 10, 2024.

Angelica Panganiban Hip Surgery

ANGELICA PANGANIBAN GRATEFUL TO GREGG, FRIENDS

Sa pagpapatuloy ni Angelica, nagpasalamat siya sa mga kaibigan at lalo na sa asawang si Gregg na hindi bumitaw sa kanya.

Hindi pa nga raw sila nakapag-honeymoon kahit dalawang beses na silang ikinasal: una sa Los Angeles, California, USA, noong December 31, 2023, at pangalawa sa Siargao noong April 20, 2024.

Aniya, “Gusto kong lingunin ang 2024 na puno pa rin ng pasasalamat. Maraming dasal ang natupad.

“Kaibigan na hindi napagod maging kaibigan sa kabila ng pagkakaron ko ng mabigat at madilim na ulap. Lalo na sa asawa ko. Paniguradong hindi ito ang unang taon na na imagine niya.

“Ni hindi kami nakapag honeymoon (smiling face with tear emoji) kaya sa 2025, bagong taon, bagong pagkakataon. Hindi para makalimot.

“Taon ito para ipakita kung paano ako pinatibay ng nakaraang taon.

“Wala naman akong plano sumali sa recap. Pero naisip ko lang, ako pa ba ang magdadamot ng recap samantalang isa ako sa sinubok ng 2024.”

Mensahe niya sa lahat, “Gusto ko lang maging inspirasyon para sa bagong taon. Para sa lahat ng dinaot last year, sabay sabay tayong bumangon dishyir.”