Miguel Tanfelix views fame as “both blessing and a curse”

Para kay Miguel Tanfelix, 26, itinuturing niyang “blessing and curse” na lumaki siya sa showbiz.

Limang taon pa lamang si Miguel nang sumali sa reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck Kids noong 2004.

Matapos ang dalawang dekada, si Miguel ay isa ngayon sa younger A-listers ng Kapuso Network.

Pangungunahan niya ang primetime series na Mga Batang Riles na eere simula sa January 6, 2025.

Ano ang pakiramdam ni Miguel na tumanda na sa limelight?

Kinakabahan ba siya na isang top-rater teleserye sa kabilang network ang katapat ng kanyang upcoming serye?

Miguel Tanfelix

miguel says fame is BLESSING AND A CURSE

Taong 2004 nang sumali si Miguel sa StarStruck Kids, kunsaan siya ang itinanghal na First Prince.

Kasunod nito ay nagtuluy-tuloy na ang kanyang showbiz venture.

Higit dalawang dekada na siya sa industriya. Sa showbiz na siya lumaki.

“Ano siya, e, blessing and curse, at the same time,” paliwanag ni Miguel sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Mga Batang Riles, noong December 20, 2024.

“Blessing, siyempre, nagagawa mo yung gusto mong gawin… umaarte ako. Ang sarap sa pakiramdam.

“Siguro nagiging curse siya dahil hindi ko na-experience talaga paano mamuhay nang normal.

“Paminsan-minsan nata-try ko, pero yung buong buhay ko hindi ko na-experience, e.”

Paglilinaw ni Miguel, hindi siya nagrereklamo sa kanyang sitwasyon.

“Pero grateful pa rin ako. Hindi ko naman siya sinisisi. Hindi ko naman dini-despise ang showbiz dahil dun. It’s a blessing.”

Hangga’t maaari, sinisikap ni Miguel na magkaroon ng panahon para maranasan ang normal na pamumuhay.

Sabi niya, “Nagsi-seek pa rin ako ng normal life kahit alam kong hindi rin normal [ang sitwasyon].”

Nakakaramdam daw siya ng pagiging normal kapag kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.

“I feel normal kapag nasa bahay ako, nakasando lang, naka-boxer shorts. Tapos kakain lang kami ng lunch.

“Kapag kasama ko yung family ko sa bahay, parang normal lang.”

Hirit niya, “Maliban na lang pag nagba-vlog lang si Mommy,” pagtukoy sa inang si Grace na isang food vlogger.

MGA BATANG RILES VS. FPJ’S BATANG QUIAPO

Papalitan ng Mga Batang Riles ang Pulang Araw. Ibig sabihin, itatapat ang teleserye ni Miguel sa FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin sa Kapamilya Channel.

“May pressure, oo, aaminin ko,” saad ni Miguel sa katapat na show ng kanyang upcoming teleserye.

“Pero kagaya ng laging sinasabi ng direktor namin, Direk Richard [Arellano], ‘’Wag mong isipin yung makakalaban mo. Isipin mo yung sarili mo, sarili niyong show.’”

Dagdag paliwanag ni Miguel, “Kesa sa lagi kang nakatingin sa labas kung ano yung ginagawa nila, hindi ka makakapag-focus sa sarili mong craft.

“So yes, may pressure. Pero ang focus po namin ngayon is pagandahin yung show without thinking na kung ano ang ginagawa ng mga shows na mga katapat po namin.

“Yes, malakas sila. Malaki. Andun na po talaga yon. Ang magagawa na lang po namin is to prove our craft…”

Miguel Tanfelix
Miguel Tanfelix, now 26, was only five years old when he joined GMA-7’s reality-based artista search, StarStruck Kids in 2004, and was adjudged as the First Prince. 

MIGUEL, NEXT IN LINE

Noong nakaraang taon ay bumida si Miguel sa Voltes V: Legacy na inilagay rin sa primetime.

Hindi naman nakagugulat nang sabihin niyang, “Siyempre, very grateful kasi sunud-sunod akong pinagkakatiwalaan ng GMA, na primetime po nila ako laging nilalagay.

“Grateful lang talaga ako and makakasiguro sila na ibibigay ko yung best ko.

“Kung bibigyan po nila ako ng malaking responsibility, kailangan kong punuin ang 100 percent na bar. Bibigyan ko sila ng 101 percent.”

Safe to say, si Miguel ang isa sa mga nakalinyang maging next big stars ng GMA Network, kung magtutuluy-tuloy ang takbo ng kanyang karera.

Reaksiyon niya rito, “Nakakatuwa, and at the same time maiisip mo na kung ganun ka nakikita ka ng tao, kailangan mas pagbutihan niyo dahil mas maraming mata ang nakatingin sa inyo.

“And mas malakas na ang influence mo ngayon, so kailangan mas careful ka sa mga ginagawa mong bagay, and mas ginagalingan mo sa craft mo.

“Dahil yung demand ng title na binibigay nila sa yo is higher now, kumpara before. So kailangan sumasabay ka sa expectations ng tao.”