Francine Diaz appreciates Seth Fedelin’s respect for her parents

Major plus pogi points para kay Francine Diaz, 20, ang effort ni Seth Fedelin, 22 na patunayan ang sinseridad nito sa mga magulang ng dalaga.

Kaugnay ito ng pag-amin ni Seth na gusto niyang ipakita sa mga magulang ni Francine na safe ito sa kanya, at hindi siya nagmamadaling pumasok sila sa isang romantic relationship.

Sina Francine at Seth ay kilala rin sa uniname na FranSeth.

Sa PEP Live noong December 18, 2024, eksklusibong ibinahagi ni Francine ang reaksiyon niya sa pagrespeto ni Seth sa kanya at sa mga magulang ng dalaga.

“Mahalaga sa akin na binibigyang halaga yung parents ko, yung family ko in general.

“At kay Seth, kita ko sa kanya na grabe yung respeto niya sa parents ko.

“I think for some people di nila nakikita kasi hindi naman namin talaga kinukuwento lahat ng nangyayari sa amin.

“Pinoprotektahan namin kung among meron kami right now,” pahayag ni Francine.

Sa mga sumunod na salita ni Francine, mahihinuhang may paghanga rin siya para kay Seth.

“Grateful ako kay Seth sa ginagawa niya ngayon kasi yun din naman ang gusto ng parents ko talaga, yung respeto. Hindi lang sa akin kundi sa kanila rin.

“Yun ang isa sa napakagandang katangian sa isang tao, especially sa isang lalaki, na may respeto at pagpapahalaga sa magulang ng isang babae.

“Sana lahat natutunan yang ganun, kasi kay Seth nasa kanya.

“Wala naman akong ibang hihilingin pa, dahil kung meron nun ang isang tao, panalo na.”

Kasama rin ni Francine ang My Future You leading man sa PEP Live.

Para kay Seth, hindi siya nagmamadaling manligaw kay Francine dahil gusto niyang handa sila pareho

“Hindi yan basta ka lang papasok sa isang relasyon. Sa paghintay na yun, hindi lang hinihintay mo siya, kumbaga, inaano mo yung sarili mo rin.

“Dapat i-check mo rin sarili mo. Ayaw mo rin naman na, ‘Ayan na, ready na siya,’ tapos di pala buo yung loob mo.

“Kailangan yung paghihintay na yun may improvement ka rin.”

Hindi raw siya magsasawang patunayan ang intensiyon niya kay Francine.

“Kahit gaano katagal yung paghihintay, mas minamahal mo dapat siya.

“Wag mo madaliin. Wag mo i-pressure.

“Yun ang isang magandang katangian ng lalaki rin. Huwag mo pressure iyang gusto mong mahalin.

“Bigyan mo siya ng oras. Pag na sa yo na, puwede na siyang panghabambuhay.”

FRANCINE DIAZ on SETH FEDELIN CLOSEness to her family

Ayon pa kay Francine, malapit si Seth hindi lang sa mga magulang niya kundi pati sa iba niyang kaanak.

“Pag ako lang nasa bahay, hinahanap nila si Seth,” pag-amin ni Francine.

Ibinigay niyang halimbawa iyong Christmas 2023 kunsaan imbitado si Seth sa family gathering, at aktibo pa raw itong nakisali sa games.

Namigay pa raw ng aginaldo si Seth sa mga pamangkin ni Francine.

Ani Francine, “Tuwang-tuwa sila. Pati si Lola. Kiniss siya ni Lola. Kasi nakakuha ng PHP500, tuwang-tuwa.”

Naglaro pa raw sila ng bingo.

Dagdag ni Francine patungkol kay Seth, “Walang nananalo. Nag-last game kami. Nagpapremyo siya kaya lahat kami ginalingan namin para sa isang libo. Lahat naglaro.”

Sino ang nanalo?

“Yung driver ko,” napangiting bulalas ni Francine.

Kuwento ni Francine, kasama sa Christmas party ang ina at kapatid ni Seth na nauna pang dumating sa bahay niya kesa kay Seth.

Napangiting sang-ayon ni Seth, “Nauna sila Mama pumunta dun.”

Ayon kay Seth, malapit din si Francine sa pamilya niya.

“Sobrang gaan ng loob ng mga kapatid ko kay Francine. Yung tipong nag-aasaran sila.”

ON BEING READY

Tinanong din ng PEP kung naniniwala ba silang kailangang kumpleto muna sila bilang indibidwal bago makipagrelasyon.

Sagot ni Francine: “As for me, I would say yes. Siyempre, pag pumasok ka sa isang relationship, it’s another chapter of your life.

“Siyempre, like, kung ako, kung papasok din ako sa isang relationship, ayoko dalhin lahat ng bigat na meron ako kasi ayoko mag-suffer din yung partner ko.”

Pero handa rin naman daw si Francine na maging katuwang ang makaka-partner niya in the future.

Saad ng young actress: “Kung ganon talaga buhay, pag-pray ko na kayanin ko with my future someone or kayanin namin together, kasi di naman talaga madali ang buhay.

“Nandiyan talaga ang problema. Madalas mahirap siya i-solve lalo na pag mag-isa ka.

“Sana for everybody, hindi lang sa akin, I hope we have a person na ready to be there for us.

“Yung pareho niyong tatahakin ang mundo. Sarili niyo man or problem niyo together, sana may kasama tayo.”

Siniguro naman ni Seth na siya ang tipong masasandalan ng kanyang makakasama sa buhay balang araw.

“Ako yung partner na partner mo talaga,” sabi ng binata.

“Masasabi ko na willing ako makipag-share ng problema. Walang bilang sa akin kahit ano pa yan.

“Ako, bilang partner mo naman, tahimik lang ako, e. Kahit may problema, aayusin ko sa isip ko.

“Kahit di ako magsalita, aayusin ko na, gagawan ko ng paraan.”

Solution-oriented daw kasi si Seth.

“Para sa akin, asking for help, matapang yun. Pero mas matapang yung kayang solusyunan sa sarili nila.

“Pero kahit anong mangyari… kung asan man yung tao na yun, ok lang kahit maapektuhan ako.

“Yung vibes ko, isama mo na rin sa vibes mo. Down na rin vibes natin, ok lang sa akin. Kaya ko i-take. Gawan natin ng paraan.”