Dalawang araw matapos maghain ng writ of habeas data petition ang kampo ni Vic Sotto laban sa direktor na si Darryl Yap, lumabas na ang desisyon ng korte na pabor sa TV host-comedian.
Ngayong Huwebes, January 9, 2025, habang nagkakagulo ang media, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), na nag-cover sa paghahain ni Vic ng 19 counts of cyber libel laban sa kontrobersiyal na direktor, lumabas ang utos ng korte.
Ibinaba ang utos mula sa sala ni Presiding Judge Liezea Aquiatan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205.
Nakasaad sa order: “Before this Court is a verified Petition for Writ of Habeas Data filed by petitioner Marvic “Vic” Castelo Sotto, praying that this Court issue a Writ of Habeas Data.
“Finding the Petition sufficient in form and substance, let a writ of habeas data issue directing respondent Darryl Ray Spyke B. Yap to submit a verified return of the writ within five (5) days from receipt thereof in accordance with Section 10 of A.M. No. 08-1-16-SC.
“Set the Petition for summary hearing on January 15, 2025 at 08:30 in the morning to determine the merits of the Petition.
“The parties are enjoined to present on that day their respective evidence pertaining to the Petition. Furnish the respondent a copy of this Order with a copy of the Petition and its Annexes. SO ORDERED. Muntinlupa City, January 09, 2025.”
VIC SOTTO’S LAWYER EXPLAINs ORDER
Ipinaliwanag ng abogado ni Vic na si Atty. Buko dela Cruz ang nilalaman ng utos ng korte.
Paliwanag niya, “The writ was issued. So, yung hinihiling namin dun sa writ, granted.
“Ititigil po muna lahat nung mga postings, etc.
“In the meantime, pinapasagot siya [Darryl] dun sa aming reklamo.”
Ibig bang sabihin nito ay pinapa-takedown ang lahat ng postings tungkol sa The Rapists of Pepsi Paloma movie?
Paglilinaw ni Dela Cruz, “Wala pa po yung kopya ng writ, order pa lang po yung hawak namin.
“Dun po sa writ, andun yung list kung ano yung mga bawal.”
Ano ang mensahe niya sa mga nagsi-share o maaaring mag-share ng mga promotional material ng The Rapists of Pepsi Paloma ngayong may order na ang korte?
Ayon sa legal counsel ni Vic, “Caution lang po sa lahat ng usapin, tungkol sa usapin ng umano’y pelikula ng The Rape of Pepsi Paloma ay subject na po ng paglilitis sa korte.
“At may utos na po ang korte na writ of habeas data na ito’y lumalabag sa karapatan ng ating kliyente kung kaya’t pansamantala ay ginrant ang habeas data.
“Ibig sabihin ay tigilan po muna natin ang pagpu-post, pagsi-share ng mga bagay na ito hanggang sa ito ay mapag-usapan sa hukuman.”
Dapat bang i-take down ang mga naunang post kaugnay ng teaser ng pelikula?
Saad ng abogado, “Kasama po yun sa hinihintay namin sa writ, kasama sa hinihingi namin yun.
“At wala pa po kaming kopya ng writ, pinakautos ng korte.”
Hindi lamang daw ang movie teaser ang kasama sa habeas data petition nila kundi pati ang buong pelikula.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay hinihintay na ang detalye ng writ kung nakasama nga ito.