Tonton Gutierrez recalls how Gloria Romero mentored him

Hindi malilimutan ng mag-asawang Tonton Gutierrez at Glydel Mercado ang magagandang leksiyon sa buhay at showbiz career na itinuro sa kanila ni Gloria Romero.

Naging malapit daw sila sa Queen of Philippine Cinema na pumanaw noong Enero, 25, 2025.

Kasama ang couple sa mga artistang dumalaw sa lamay para kay Gloria noong Enero 27, sa Arlington Memorial Chapels sa Quezon City.

“Unang-una, kami ay nakikiramay sa pamilya ni Tita Gloria,” bungad ni Tonton sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Pagkatapos ay inalala niya ang samahan nila ni Gloria noong baguhan pa lang ang aktor sa showbiz.

“Memories with her was when she played my mother sa Saan Nagtatago Ang Pag-ibig? tukoy ni Tonton sa 1987 film na pinagbidahan nila nina Vilma Santos at Ricky Davao.

Ang yumao na ring si Eddie Garcia ang direktor ng pelikula.

saan nagtatago ang pag-ibig

Patuloy ni Tonton: “Sabi niya, ‘Iho, maging tapat ka sa trabaho mo, maging professional ka. Mahalin mo ang trabaho mo.’

“Yan ang lagi niyang sinasabi niya sa akin.

“I was very new din dun sa Saan Nagtatago Ang Pag-ibig?. That was my third movie.

“And sila Ate Vi, sobrang support sa akin nun, Tita Gloria lalo na.”

Inalalayan daw siya nang husto ni Gloria.

“Lagi niyang sinasabi sa akin, ‘Kaya mo yan, relax ka lang. Kaya mo yang ginagawa mo basta isapuso mo yan.’

“Hindi ko makakalimutan yung mga panahon na yun,” emosyunal na balik-tanaw ni Tonton.

GLYDEL MERCADO ON GLORIA ROMERO

Kahit si Glydel ay may kaparehong karanasan sa pakikipagtrabaho niya kay Gloria.

Nagkasama sila sa Sa Dulo Ng Walang Hanggan (2001-2003) ng ABS-CBN, pati na sa The Rich Man’s Daughter (2015) at Daig Kayo Ng Lolo Ko (2017) ng GMA-7

Kuwento ni Glydel, “Matagal na panahon ko na siyang nakasama.

“Hindi ko na matandaan kung ano ang pinagsamahan namin, pero every time na makikita namin si Tita Gloria, talagang nandun pa rin yung pagmamahal niya hindi lang bilang artista, pero bilang ina sa amin.

“Palagi niyang sinasabi sa amin na, ‘Maging mapagkumbaba ka lagi kahit sikat na sikat ka na. Huwag kang magbabago.”

Kahanga-hanga raw talaga ang pinamalas na halimbawa ni Gloria sa showbiz.

“We are really sad that Tita Gloria is gone.

“Napakabait na tao, napaka-sweet, gentle, napaka-soft spoken. In other words, she’s a great person.

“Nagdadalamhati ang buong industriya sa pagkawala ni Tita Gloria,” sabi ni Tonton.